Isaias 15 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang Pahayag Laban sa Moab

1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Moab:

Sa loob lamang ng isang gabi

ay nawasak ang lungsod ng Ar

at Kir na sakop ng Moab.

2Umahon ang mga taga-Dibon

mula sa kanilang templo

at sa kanilang mga sambahan

sa matataas na lugar para umiyak.

Iniiyakan ng mga taga-Moab

ang Nebo at Medeba.

Ang bawat isa sa kanilaʼy nagpakalbo

at nagpaahit ng mga balbas.

3Nakadamit sila ng sako

habang lumalakad sa lansangan.

Humahagulgol sila

sa tuktok ng bubong

at sa mga plasa.

4Umiiyak ang mga taga-Hesbon

at ang mga taga-Eleale

at naririnig ito hanggang sa Jahaz.

Kaya ang mga sundalo ng Moab

ay sumisigaw nang malakas

at nanghihina sa takot.

5Nalungkot ako

dahil sa nangyari sa Moab.

Nagsitakas ang kanyang

mga mamamayan papuntang Zoar

hanggang sa Eglat-selisiya.

Nag-iiyakan sila

habang umaahon papuntang Luhit.

Ang iba sa kanila

ay humahagulgol patungo sa Horonaim,

dahil sa kanilang sinapit.

6Natuyo ang mga sapa ng Nimrim

at nalanta ang mga damo.

Ang kaparangan ay nalanta

at anumang luntian

ay nawala na.

7Kaya dinala nila sa kabila

ng daluyan ng tubig ng Herabim

ang mga ari-arian

at kayamanang natipon nila.

8Ang iyakan nila ay maririnig

sa hangganan ng Moab,

mula sa Eglaim hanggang

sa Beer-elim.

9Naging pula sa dugo

ang tubig ng Dibon,

ngunit higit pa diyan ang gagawin ko:

Magpapadala ako ng mga leon

na lalapa sa mga nagsisitakas

mula sa Moab

at sa mga naiwan doon.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help