Mangangaral 8 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

1Walang katulad ang taong marunong

na kayang magpaliwanag ng mga bagay.

Ang karunungan ng taoʼy

nakapagpapasaya ng mukha,

at ang simangot ay nawawala.

Sundin ang Hari

2Sundin mo ang utos ng hari, dahil ipinangako mo sa Diyos na gagawin mo ito.

3Huwag mong pababayaan ang tungkulin mo sa hari, at huwag kang sasáma sa mga nagpaplano ng masama laban sa kanya, dahil kayang gawin ng hari ang anumang gustuhin niya.

4Makapangyarihan ang utos ng hari at walang makakatutol dito.

5Ang sinumang sumusunod sa kanyang utos

ay hindi mapapahamak.

Alam ng taong marunong kung kailan

at kung paano gagawin ang isang bagay.

6Dahil ang bawat bagay

ay may kanya-kanyang tamang oras

at pamamaraan ng paggawa

gaano man kabigat ang kinakaharap ng tao.

7Dahil walang sinuman

ang nakakaalam ng hinaharap,

walang makapagsasabi

kung ano ang mangyayari.

8Kung paanong

hindi mapipigilan ng tao ang hangin,

hindi rin niya mapipigilan

ang kanyang kamatayan.

Tulad sa isang labanan,

hindi siya makakaatras.

At ang kasamaan niyaʼy hindi makapagliligtas

sa kanya sa kamatayan.

9Pinagmasdan ko ang mga bagay na nangyayari rito sa mundo, nakita kong ang mga tao ay may kakayahang saktan ang isaʼt isa.

10Nakita ko ring ibinuburol ang masasamâ. Sila ang laging pumapasok sa banal na lungsod ng Jerusalem at doon gumagawa ng kasamaan. At pinupuri pa sila ng mga taong tagaroon mismo sa lugar na ginagawan nila ng kasamaan. Wala itong kabuluhan.

11Kapag ang taong nagkasalaʼy hindi agad pinarusahan, naiisip din ng iba na gumawa ng kasalanan.

12Kahit ang isang taoʼy magkasala ng isang daang beses at mabuhay pa nang matagal, alam kong mas mabuti pa rin ang kahihinatnan ng taong may takot sa Diyos.

13Hindi magtatagal ang buhay ng taong masama na walang takot sa Diyos. Magiging parang anino ang buhay niya, sandali lang at agad mawawala.

14Ang problema lang sa mundong ito ay kung minsan ang mga taong matuwid pa ang siyang napaparusahan ng parusang para sana sa masasamâ. At ang masasama naman ang siyang tumatanggap ng gantimpalang para sana sa mga matuwid. Ito man ay walang kabuluhan.

15Kaya para sa akin, mas mabuting magpakasaya ang tao sa buhay. Walang mas mabuti para sa kanya dito sa mundo kundi ang kumain, uminom at magsaya. Sa ganitong paraan mararanasan niya ang kasiyahan habang nagpapakapagod siya sa buong buhay niya na ibinigay ng Diyos sa kanya dito sa mundo.

16Habang pinagsisikapan kong intindihin ang mga nangyayari rito sa mundo, nalaman ko kung gaano kaabala sa trabaho ang mga tao araw at gabi.

17Nakita ko rin ang mga ginagawa ng Diyos dito sa mundo. Walang sinuman ang makakaintindi nito. Kahit ano pa ang gawin ng tao para intindihin ito, hindi pa rin niya ito maiintindihan. Kahit sabihin pa ng marunong na naiintindihan niya, pero ang totoo, hindi niya talaga naiintindihan.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help