Salmo 97 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 97

1Ang Panginoon ay naghahari!

Kaya magalak ang mundo,

pati na ang mga isla.

2Napapalibutan siya ng makakapal na ulap

at naghahari nang may katuwiran at katarungan.

3May apoy sa unahan niya

at sinusunog nito ang mga kaaway niyang

nakapalibot sa kanya.

4Ang mga kidlat

niyaʼy nagliliwanag sa mundo.

Nanginginig sa takot ang mga tao

kapag nakikita ito.

5Natutunaw na parang kandila

ang mga kabundukan

sa presensya ng Panginoon,

ang Panginoon na naghahari

sa buong mundo.

6Ipinapahayag ng langit ang kanyang katuwiran,

at nakikita ng lahat ng tao

ang kanyang kaluwalhatian.

7Mapapahiya ang lahat ng sumasamba

sa mga diyos-diyosan

at ang mga ipinagmamalaki ang mga ito.

Kayong lahat na mga diyos-diyosan

lumuhod at sambahin ninyo ang Diyos.

8 Panginoon, narinig ng mga taga-Zion

at ng mga taga-Juda ang tungkol sa inyong

wastong pamamaraan ng pamamahala,

kaya tuwang-tuwa sila.

9Dahil kayo, Panginoon, ang Kataas-taasang Diyos

ay naghahari sa buong mundo.

Higit kayong dakila kaysa

sa lahat ng mga diyos.

10Kayong mga umiibig sa Panginoon

ay dapat mamuhi sa kasamaan.

Dahil iniingatan ng Panginoon

ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan

at inililigtas niya sila sa masasama.

11Ang kabutihan ng Diyos

ay sumisinag sa matutuwid

at nagbibigay ito ng kagalakan sa kanila.

12Kayong matutuwid, magalak kayo sa Panginoon.

Pasalamatan siya at purihin

ang kanyang pangalan!

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help