Deuteronomio 27 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang Altar sa Bundok ng Ebal

1Pagkatapos, inutusan nila Moises at ng mga tagapamahala ng Israel ang mga mamamayan, “Sundin ninyong lahat ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito.

2Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, doon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos, magtumpok kayo ng malalaking bato, at pahiran ninyo ang palibot nito ng apog.

3Isulat ninyo sa mga batong ito ang lahat ng kautusan kapag nakapasok na kayo sa lupaing masagana sa gatas at pulot na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ayon sa ipinangako niya sa inyo.

4Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, itayo ninyo ang mga batong ito sa Bundok ng Ebal, ayon sa iniutos ko sa inyo sa araw na ito, at pahiran ninyo ng apog ang palibot nito.

5Pagkatapos, gumawa kayo roon ng batong altar para sa Panginoon na inyong Diyos. Huwag kayong gagamit ng anumang kagamitang bakal sa pagtatabas nito.

6Ang mga bato na gagawin ninyong altar ay dapat hindi pa natabasan. Pagkatapos, maghandog kayo sa altar na ito ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon na inyong Diyos.

7Mag-alay din kayo ng handog pangkapayapaan sa Panginoon at kainin ninyo ito doon, at magsaya kayo sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos.

8At isulat ninyo nang malinaw ang mga kautusan ng Diyos sa mga batong pinahiran ninyo ng apog.”

9Sinabi pa ni Moises at ng mga pari na mga Levita sa lahat ng Israelita, “Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel! Sa araw na ito, naging mamamayan na kayo ng Panginoon na inyong Diyos.

10Kaya sundin ninyo ang Panginoon na inyong Diyos at tuparin ang lahat ng utos at tuntunin niyang ibinibigay ko sa inyo ngayon.”

Ang mga Sumpa

11Nang araw na iyon, iniutos ni Moises sa mga tao:

12Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, ito ang mga angkan na tatayo sa Bundok ng Gerizim para basbasan ang mga tao: ang lahi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose at Benjamin.

13At ito ang mga lahing tatayo sa Bundok ng Ebal para sumpain ang mga tao: ang lahi nina Ruben, Gad, Asher, Zebulun, Dan at Neftali.

14Ang mga Levita naman ay sisigaw nang malakas sa bansang Israel:

15“Sumpain ang taong gagawa ng anumang mga diyos-diyosan na gawa sa bato o tanso at sasambahin ito kahit palihim. Sapagkat kinasusuklaman ng Panginoon ang diyos-diyosang ginawa ng tao.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

16“Sumpain ang taong hindi gumagalang sa kanyang magulang.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

17“Sumpain ang taong nagnakaw ng lupain ng kanyang kapwa sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon ng lupain nito.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

18“Sumpain ang taong nagliligaw ng bulag sa daan.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

19“Sumpain ang taong hindi nagbibigay ng hustisya sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

20“Sumpain ang taong nakikipagtalik sa asawa ng kanyang ama, dahil ipinapahiya niya ang kanyang ama.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

21“Sumpain ang taong nakikipagtalik sa anumang hayop.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

22“Sumpain ang taong nakikipagtalik sa kanyang kapatid na babae, kapatid man niya ito sa ama o sa ina.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

23“Sumpain ang taong nakikipagtalik sa kanyang biyenang babae.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

24“Sumpain ang taong pumatay ng kanyang kapwa kahit walang nakakaalam.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

25“Sumpain ang taong tumatanggap ng suhol para pumatay ng inosenteng tao.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

26“Sumpain ang tao na hindi susunod o gagawa sa lahat ng utos na ito.”

At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help