1Kapag dinala na kayo ng Panginoon na inyong Diyos doon sa lupaing inyong titirhan at aangkinin, itataboy niya sa harapan ninyo ang pitong bansang mas malalaki at mas makapangyarihan kaysa sa inyo: ang mga Heteo, Gergeseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Heveo at mga Jebuseo.
2Kapag ibinigay na sila ng Panginoon sa inyo at natalo ninyo sila, lipulin ninyo sila nang lubusan bilang handog sa Panginoon. Huwag kayong gagawa ng kasunduan o magpapakita ng awa sa kanila.
3Huwag kayong magpapakasal sa kanila, at huwag din ninyong papayagan ang mga anak ninyo na maikasal sa kanila.
4Sapagkat ilalayo nila sa Panginoon ang inyong mga anak para paglingkuran ang ibang mga diyos. At kapag nangyari ito, ipapalasap ng Panginoon ang galit niya sa inyo at agad kayong malilipol.
5Sa halip, ito ang gawin ninyo: Gibain ninyo ang kanilang mga altar, durugin ang kanilang mga alaalang bato, putulin ang kanilang mga posteng imahen ng diyosang si Ashera, at sunugin ninyo ang kanilang mga diyos-diyosan.
6Sapagkat ibinukod kayo ng Panginoon na inyong Diyos. Sa lahat ng mga tao, kayo ang pinili ng Panginoon na inyong Diyos na maging espesyal niyang mamamayan.
7Pinili kayo ng Panginoon at minahal, hindi dahil mas marami kayo sa ibang mga mamamayan, dahil kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat.
8Pinili kayo ng Panginoon dahil sa pag-ibig niya sa inyo at tinutupad niya ang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno. Iyan ang dahilan na inilabas niya kayo sa Ehipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, at pinalaya sa pagkaalipin sa Faraon na hari ng Ehipto.
9Isipin ninyo na ang Panginoon na inyong Diyos ay iisang Diyos. Matapat siya at tinutupad niya ang kanyang kasunduan hanggang sa mga salinlahi ng mga nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga utos.
10Ngunit hindi siya magdadalawang-isip na ibagsak ang mga napopoot sa kanya.
11Kaya sundin ninyong mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo sa araw na ito.
12Kung tutuparin at susundin ninyong mabuti ang mga utos, tutuparin ng Panginoon na inyong Diyos ang kanyang kasunduan na mamahalin niya kayo, gaya ng ipinangako niya sa inyong mga ninuno.
13Mamahalin niya kayo, pagpapalain at padadamihin. Bibigyan niya kayo ng maraming anak at pagpapalain ang mga pananim sa inyong lupa: ang inyong mga trigo, bagong alak at langis. At padadamihin niya ang inyong mga baka doon sa lupaing ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno at sa inyo.
14Pagpapalain niya kayo ng higit pa sa sinumang mga mamamayan sa mundo. Walang lalaki o babae sa inyo na magiging baog, ganoon din sa inyong mga hayop.
15Poprotektahan kayo ng Panginoon sa lahat ng karamdaman. Hindi niya kayo padadalhan ng nakapangingilabot na mga karamdaman na nakita ninyo sa Ehipto, ngunit ipapadala niya ito sa lahat ng mga napopoot sa inyo.
16Dapat ninyong patayin ang lahat ng tao na ibinigay ng Panginoon na inyong Diyos sa inyo. Huwag ninyo silang kaaawaan, at huwag kayong maglilingkod sa kanilang mga diyos dahil magiging bitag ito para sa inyo.
17Baka sabihin ninyo sa inyong mga sarili, “Mas makapangyarihan pa ang bansang ito kaysa sa atin. Paano ba natin sila maitataboy?”
18Ngunit huwag kayong matatakot sa kanila, kundi alalahanin ninyong mabuti kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Diyos sa Faraon at sa lahat ng Ehipsiyo.
19Nakita ninyo ang mga pagsubok, mga himala at kamangha-manghang bagay, at ang dakilang kapangyarihang ipinakita ng Panginoon na inyong Diyos nang ilabas niya kayo. Katulad din nito ang gagawin ng Panginoon na inyong Diyos sa lahat ng taong kinatatakutan ninyo.
20At ngayon, padadalhan sila ng Panginoon na inyong Diyos ng mga putakti hanggang sa malipol kahit pa ang mga natitirang nagtatago.
21Huwag kayong matakot sa kanila dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Diyos; ang makapangyarihan at kamangha-manghang Diyos.
22Unti-unting palalayasin ng Panginoon na inyong Diyos sa inyong harapan ang mga bansang iyon. Huwag ninyo silang paalisin agad, dahil kung gagawin ninyo iyon, dadami ang mababangis na hayop.
23Ngunit ibibigay sila ng Panginoon na inyong Diyos sa inyo. Magkakagulo sila hanggang sa malipol silang lahat.
24Ibibigay niya sa inyo ang kanilang mga hari. Papatayin ninyo sila, at hindi na sila maaalala pa. Wala ni isa man sa kanila na makakatalo sa inyo, at papatayin ninyo silang lahat.
25Sunugin ninyo ang mga imaheng diyos-diyosan nila, at huwag ninyong hahangarin ang mga ginto at pilak nito. Huwag na huwag ninyo itong kukunin dahil magiging bitag ito sa inyo, at kasuklam-suklam ito sa Panginoon na inyong Diyos.
26Huwag kayong magdadala sa mga bahay ninyo ng anumang kasuklam-suklam na bagay, para hindi kayo malipol kasama ng mga bagay na iyon. Kamuhian ninyo ito, dahil ang mga bagay na ito ay dapat wasakin nang lubusan.
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.