1Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa palasyo ng hari ng Juda at sabihin mo ito:
2‘Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, O hari ng Juda, na angkan ni David, kayong mga namamahala at mga mamamayang dumadaan sa mga pintuan dito.
3Ito ang sinasabi ng Panginoon: Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran. Tulungan ninyo ang mga ninakawan, iligtas ninyo sila sa kamay ng mga taong umaapi sa kanila. Huwag ninyong pagmamalupitan o sasaktan ang mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Huwag din kayong papatay ng mga taong walang kasalanan.
4Kung susundin nʼyo ang mga utos kong ito, mananatiling maghahari sa Jerusalem ang angkan ni David. Ang hari, kasama ng kanyang mga pinuno at mga mamamayan ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at kabayo na papasok sa pintuan ng palasyo.
5Ngunit kung hindi nʼyo susundin ang mga utos kong ito, sabi ng Panginoon, isinusumpa ko sa aking sarili na mawawasak ang palasyong ito.’ ”
6Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:
“Para sa akin, ikaʼy kasingganda ng Gilead
o ng tuktok ng bundok ng Lebanon.
Ngunit gagawin kitang parang disyerto,
na tulad ng isang bayan
na walang naninirahan.
7Magpapadala ako ng mga taong wawasak sa iyo.
Ang bawat isa sa kanilaʼy
magdadala ng mga gamit na panggiba.
Puputulin nila ang iyong mga haliging sedro
at ihahagis sa apoy.
8“Ang mga taong galing sa ibaʼt ibang bansa na dadaan sa lungsod na ito ay magtatanungan, ‘Bakit kaya ginawa ito ng Panginoon sa dakilang lungsod na ito?’
9At ito ang isasagot sa kanila, ‘Dahil itinakwil nila ang kasunduan nila sa Panginoon na kanilang Diyos, at sumamba sila at naglingkod sa mga diyos-diyosan.’ ”
10Huwag kayong umiyak sa pagpanaw ni Haring Josias.
Sa halip, umiyak kayo nang lubos
para sa anak niyang si Jehoahaz
na pumalit sa kanya bilang hari ng Juda.
Sapagkat binihag siya
at hindi na siya makakabalik pa.
Kaya hindi na niya makikita pang muli
ang lupaing ito na kanyang sinilangan.
11Sapagkat ang Panginoon ang nagsabi nito kay Salum na tagapagmana ng kanyang ama na si Josias na hari ng Juda at hinuli bilang bihag: “Hindi na siya makakabalik.
12Mamamatay siya sa lupain kung saan siya dinalang bihag. Hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito.”
13Sinasabi ng Panginoon, “Kahabag-habag ka Jehoiakim,
nagtayo ka ng iyong palasyo
sa masamang paraan,
ang iyong mga silid
sa paraang walang katarungan.
Pinagtrabaho mo ang iyong kapwa
nang walang suweldo,
at hindi mo sila binayaran.
14Sinabi mo, ‘Magtatayo ako ng palasyong
may malalawak na silid sa itaas.
Palalagyan ko ito ng malalaking bintana
at dingding ng tablang sedro.
At pagkatapos,
papipinturahan ko ng pula.’
15“Akala mo ba magiging dakila kang hari
kung magtatayo ka
ng palasyong gawa sa sedro?
Bakit ayaw mong sundin ang iyong ama?
Matuwid at makatarungan
ang mga ginawa niya;
kaya namuhay siya nang maunlad
at payapa ang kalagayan.
16Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga dukha
at ng mga nangangailangan,
kaya naging mabuti ang lahat
para sa kanya.
Ganyan ang tamang pagkilala sa akin,”
sabi ng Panginoon.
17Ngunit ikaw, wala kang ibang hinahangad
kundi ang makapandaya,
pagpatay ng mga taong walang kasalanan,
pang-aapi, at karahasan.
18Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol kay Haring Jehoiakim ng Juda, na anak ni Josias,
“Walang magluluksa para sa kanya
kapag namatay siya.
Ang sambahayan niya, ang mga pinuno niya
at ang ibang mga tao
ay hindi magluluksa para sa kanya.
Ang kanyang nasasakupan
ay hindi magluluksa sa kanya at magsasabing:
Ang Panginoon koʼy pumanaw na!
Naglaho na ang kanyang kadakilaan!
19Ililibing siya katulad ng paglilibing sa patay na asno;
kakaladkarin ang kanyang bangkay
at itatapon sa labas ng pintuan
ng Jerusalem.”
20“Mga taga-Juda, umiyak kayo
dahil wala na kayong
mga kakamping bansa.
Hanapin ninyo sila sa Lebanon.
Tawagin ninyo sila sa Bashan at Abarim.
21Binigyan ko kayo ng babala
noong panatag pa kayo,
ngunit hindi kayo nakinig sa akin.
Talagang ganyan na ang ugali ninyo
mula noong bata pa kayo;
hindi kayo sumusunod sa akin.
22Kaya ikakalat ko ang mga pinuno ninyo
na tulad ng ipang tinatangay ng hangin,
at bibihagin din ang mga
kakampi ninyong bansa.
Talagang mapapahiya kayo
dahil sa kasamaan ninyo.
23Kayong mga nakatira sa palasyo ng Jerusalem
na gawa sa kahoy na sedro mula sa Lebanon,
kahabag-habag kayo
kapag dumating na sa inyo
ang paghihirap,
na parang babaeng
naghihirap sa panganganak.
24“Habang akoʼy nabubuhay,” sabi ng Panginoon, “itatakwil kita haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoiakim. Kahit na ikaw ay singsing sa aking kanang kamay, tatanggalin kita sa aking daliri.
25Ibibigay kita sa mga nais pumatay sa iyo na kinatatakutan mo. Ibibigay kita kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga kawal niya.
26Ikaw at ang iyong ina ay ipapatapon ko sa ibang bansa at doon kayo mamamatay.
27At hindi na kayo makakabalik sa lupaing ninanais nʼyong balikan.
28Jehoyakin, para kang basag na palayok
na hindi na mapapakinabangan.
Kaya itatapon ko kayo ng mga anak mo
sa bansang hindi ninyo alam.”
29O lupain ng Juda, pakinggan mo
ang salita ng Panginoon.
30Sapagkat ito ang sinasabi
ng Panginoon:
“Isulat ninyo na ang taong ito
na si Jehoyakin
na parang walang anak,
sapagkat wala ni isa man sa kanyang mga anak
ang luluklok sa trono ni David bilang hari ng Juda.
At hindi rin siya magtatagumpay sa kanyang pamumuno.”
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.