Salmo 57 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 57Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David noong tinakasan niya si Saul at siyaʼy nagtago sa kuweba. Inaawit sa tono ng awiting, “Huwag Sirain.”

1Kahabagan ninyo ako, O Diyos,

mahabag kayo sa akin.

Sapagkat sa inyo ako kumukubli.

Akoʼy kukubli sa ilalim ng inyong mga pakpak,

hanggang sa ang panganib ay lumipas.

2Sa Kataas-taasang Diyos akoʼy tumatawag,

sa kanya na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.

3Mula sa langit akoʼy kanyang tutulungan at ililigtas.

Inilalagay nʼya sa kahihiyan

ang mga kaaway ko.

Ipapakita nʼya ang kanyang pag-ibig at katapatan.

4Napapaligiran ako ng mga kaaway,

parang mga leong handang lumapa ng tao.

Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,

mga dilaʼy kasintalim ng espada.

5O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan

at ang inyong kaluwalhatian sa buong mundo.

6Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag

ang aking mga kaaway.

Naghukay rin sila sa aking dadaanan,

ngunit sila rin ang nahulog dito.

7O Diyos, lubos akong nagtitiwala sa inyo.

Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.

8Gigising ako ng maaga

at ihahanda ko ang aking sarili

at ang aking instrumentong may mga kuwerdas

upang magpuri sa inyo.

9Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.

At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.

10Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan

ay hindi mapantayan

at lampas pa sa kalangitan.

11O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan

sa buong kalangitan at sa buong mundo.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help