Amos 2 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang Parusa sa Bansang Moab

1Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Moab:

“Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala

ng mga taga-Moab,

parurusahan ko sila.

Sapagkat sinunog nila

ang mga buto ng hari ng Edom

hanggang sa maging abo ito.

2Kaya susunugin ko ang Moab

pati na ang matitibay

na bahagi ng Keriot.

Mamamatay ang mga taga-Moab

habang nagsisigawan

at nagpapatunog ng mga trumpeta

ang kanilang mga kaaway

na sumasalakay sa kanila.

3Mamamatay pati ang kanilang hari

at ang lahat ng kanyang mga opisyal,”

sabi ng Panginoon.

Ang Parusa sa Bansang Juda

4Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Juda:

“Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala

ng mga taga-Juda,

parurusahan ko sila.

Sapagkat itinakwil nila

ang aking mga kautusan

at hindi nila sinunod

ang aking mga tuntunin.

Iniligaw sila ng paglilingkod nila

sa mga diyos-diyosang

pinaglingkuran din ng kanilang mga ninuno.

5Kaya susunugin ko ang Juda

pati na ang matitibay na bahagi

ng Jerusalem.”

Ang Parusa sa Bansang Israel

6Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel:

“Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala

ng mga taga-Israel,

parurusahan ko sila.

Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin

ang mga taong walang kasalanan

dahil lamang sa kanilang utang.

Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap

kahit na isang pares lang na sandalyas

ang utang.

7Ginigipit nila ang mga mahihirap

at hindi binibigyan ng katarungan.

Mayroon sa kanila na mag-amang

nakikipagtalik sa iisang babae.

Dahil dito nilalapastangan nila

ang aking banal na pangalan.

8Natutulog sila sa kanilang sambahan

na suot ang damit na isinangla sa kanila

ng mga mahihirap.

At nag-iinuman sila

sa aking templo ng alak

na binili galing sa ibinayad

ng mga mahihirap

na may utang sa kanila.

9“Ngunit ako, ang ginawa ko

para sa kanila na mga taga-Israel,

nilipol ko ang mga Amoreo,

kahit na kasintaas sila ng punong sedro

at kasintibay ng punong ensina.

Nilipol ko silang lahat

at walang itinirang buhay.

10Inilabas ko rin sa Ehipto

ang mga ninuno ng mga taga-Israel

at pinatnubayan ko sila sa ilang

sa loob ng apatnapung taon

upang masakop nila ang lupain

ng mga Amoreo.

11“Pinili ko ang ilan sa mga anak nila

na maging propeta at Nazareo.

Mga taga-Israel, hindi baʼt totoo

itong sinasabi ko?”

sabi ng Panginoon.

12“Ngunit ano ang ginawa ninyo?

Pinainom ninyo ng alak

ang mga hinirang kong Nazareo

at pinagbawalan ninyo

ang mga propeta

na sabihin ang ipinasasabi ko.

13“Kaya makinig kayo!

Pahihirapan ko kayo

katulad ng kariton

na hindi na halos makausad

dahil sa bigat ng karga.

14Kaya kahit na ang pinakamabilis

tumakbo sa inyo

ay hindi makakatakas,

ang malalakas ay manghihina,

at ang mga sundalo

ay hindi maililigtas ang kanilang sarili.

15Kahit na ang mga sundalong

namamana sa labanan

ay uurong.

Ang mga sundalong mabilis tumakbo

ay hindi makakatakas,

at silang mga nakasakay sa kabayo

ay hindi rin makakaligtas.

16Sa araw na iyon,

kahit ang pinakamatapang na sundalo

ay tatakas na nakahubad,”

sabi ng Panginoon.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help