Salmo 59 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 59Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David noong nagpadala ng tao si Saul sa bahay niya upang manmanan siya at patayin. Inaawit sa tono ng awiting, “Huwag Sirain”.

1O Diyos, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway.

At sa mga kumakalaban sa akin, ako ay inyong ingatan.

2Iligtas nʼyo ako sa masasama at sa mga mamamatay-tao.

3 Panginoon, tingnan nʼyo!

Inaabangan nila ako upang patayin,

kahit na wala akong nagawang kasalanan sa kanila.

4-5Wala akong nagawang kasalanan,

ngunit handa silang salakayin ako.

Sige na po, Panginoong Diyos ng mga Hukbo,

Diyos ng Israel.

Tingnan nʼyo na ang nangyayari;

tulungan nʼyo ako!

Kumilos na kayo, at parusahan nʼyo

ang mga bansang hindi sumasampalataya sa inyo.

Huwag nʼyong kahabagan

ang mga taksil na iyon.

6Tuwing gabi ay pabalik-balik sa lungsod ang aking mga kaaway;

para silang mga asong umaalulong

habang silaʼy naglilibot sa bayan.

7Pakinggan nʼyo ang kanilang pananalita;

kasinsakit ng tusok ng espada.

At sinasabi pa nila,

“Wala namang nakakarinig sa atin.”

8Ngunit, pinagtatawanan nʼyo lang sila Panginoon.

Kinukutya nʼyo ang mga taong

hindi sumasampalataya sa inyo.

9O Diyos ikaw ang aking kalakasan.

Maghihintay ako sa inyo

dahil ikaw ang aking tagapagtanggol,

10at Diyos na nagmamahal sa akin.

Manguna ka sa akin at ipakita mo sa akin

ang pagbagsak ng aking mga kaaway.

11Ngunit huwag nʼyo silang patayin agad

upang hindi makalimutan ng aking mga kababayan

kung paano nʼyo pinarurusahan

ang inyong mga kaaway.

O Panginoon na aming pananggalang,

iligaw nʼyo at ibagsak ang aking mga kaaway

sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.

12Silaʼy nagkakasala sa kanilang mga labi

sapagkat masasama ang kanilang sinasabi.

Mahuli sana sila sa kanilang kayabangan,

pagmumura at kasinungalingan.

13Sa inyong galit, lipulin nʼyo sila

hanggang sa silaʼy maglaho.

Sa gayoʼy malalaman ng buong mundo

na kayo, O Diyos, ang naghahari sa Israel.

14Tuwing gabi ay pabalik-balik

sa lungsod ang aking mga kaaway;

para silang mga asong umaalulong

habang silaʼy naglilibot sa bayan.

15Silaʼy naglilibot para humanap ng pagkain

at umaalulong kapag hindi nabusog.

16Ngunit ako ay aawit

tungkol sa inyong kapangyarihan.

Tuwing umaga, akoʼy aawit

nang may kagalakan

tungkol sa inyong pag-ibig.

Sapagkat kayo ang aking kanlungan

sa oras ng kagipitan.

17O Diyos, kayo ang aking kalakasan.

Aawit ako ng mga papuri sa inyo,

dahil kayo ang aking kanlungan

at Diyos na sa akin ay nagmamahal.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help