Salmo 145 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 145Papuring awit na isinulat ni David.

1Ako ay magpupuri sa inyo, aking Diyos at Hari.

Pupurihin ko kayo magpakailanman.

2Pupurihin ko kayo araw-araw,

at itoʼy gagawin ko magpakailanman.

3 Panginoon, kayoʼy makapangyarihan

at karapat-dapat na purihin.

Ang inyong kadakilaan

ay hindi kayang unawain.

4Ang bawat salinlahi ay magsasabi

sa susunod na salinlahi

ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.

5Pagbubulay-bulayan ko

ang inyong kadakilaan at kapangyarihan,

at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.

6Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan

at kahanga-hangang mga gawa,

at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.

7Ipamamalita nila ang katanyagan ng inyong kabutihan,

at aawit sila nang may kagalakan

tungkol sa inyong katuwiran.

8 Panginoon, kayoʼy mahabagin at matulungin;

hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.

9 Panginoon, mabuti kayo sa lahat;

nagmamalasakit kayo

sa lahat ng inyong nilikha.

10Pasasalamatan kayo, Panginoon,

ng lahat ng inyong nilikha;

pupurihin kayo ng inyong mga tapat

na mamamayan.

11Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan

at ang kadakilaan ng inyong paghahari,

12upang malaman

ng lahat ang inyong dakilang mga gawa

at ang kadakilaan ng inyong paghahari.

13Ang inyong paghahari

ay magpakailanman.

Panginoon, tapat kayo

sa inyong mga pangako,

at mapagmahal kayo

sa lahat ng inyong nilikha.

14Tinutulungan ninyo ang mga dumaranas

ng kahirapan,

at pinalalakas ang mga nanghihina.

15Ang lahat ng nilalang na may buhay

ay umaasa sa inyo,

at binibigyan nʼyo sila ng pagkain

sa panahong kailangan nila.

16Sapat ang inyong ibinibigay

at silaʼy lubos na nasisiyahan.

17 Panginoon, matuwid kayo

sa lahat ng inyong pamamaraan,

at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.

18Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat

na tumatawag sa inyo.

19Ibinibigay ninyo ang nais

ng mga taong may takot sa inyo;

pinapakinggan ninyo ang kanilang mga daing

at inililigtas nʼyo sila.

20Binabantayan ninyo ang mga umiibig sa inyo,

ngunit ang masasama ay lilipulin ninyo.

21Pupurihin ko kayo, Panginoon!

Ang lahat ng nilikha

ay magpupuri sa inyo magpakailanman.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help