Awit 2 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Babae

1Akoʼy isang bulaklak lamang ng Saron,

isang liryo sa lambak.

Lalaki

2Kung ihahambing sa ibang kababaihan,

ang irog koʼy tulad ng liryo

sa gitna ng matinik na halamanan.

Babae

3Kung ihahambing sa ibang kabinataan,

ang mahal koʼy tulad ng puno ng mansanas

sa gitna ng mga puno sa kagubatan.

Nananabik akong maupo sa lilim niya,

at tikman ang matamis niyang bunga.

4Dinala niya ako sa isang handaan

upang ipakita sa lahat na ako

ay kanyang minamahal.

5Pakainin ninyo ako ng pasas at mansanas

upang akoʼy muling lumakas,

sapagkat nanghina ako dahil sa pag-ibig.

6Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa niyang bisig

at ang kanang kamay naman niya

ay nakayakap sa akin.

7Kaya kayong mga dalaga ng Jerusalem,

mangako kayo sa pamamagitan

ng mga batang usa at gasela,

na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig

ay umusbong hanggaʼt

hindi pa dumarating

ang tamang panahon.

8Ayan na!

Naririnig ko nang paparating

ang aking mahal.

Dumarating siyang patalon-talon

na parang usa sa mga bundok

at burol.

9Ang aking minamahal

ay tulad ng batang usa.

Tingnan ninyo! Naroon siyaʼt

nakatayo sa likod ng pader,

nakamasid sa may bintana,

dumudungaw sa kurtina.

10Sinabi niya sa akin,

“Halika na irog kong maganda

at sa akin ay sumáma ka.

11Tapos na ang panahon

ng taglamig at tag-ulan.

12Namumukadkad na

ang mga bulaklak sa parang,

panahon na ng pag-aawitan

at maririnig na rin ang huni

ng mga kalapati sa kabukiran.

13Ang mga bunga ng igos ay hinog na

at humahalimuyak ang bulaklak

ng mga ubas.

Halika na irog kong maganda,

sa akin ay sumáma ka na.”

Lalaki

14Aking kalapating nagtatago

sa mga bitak ng malaking bato,

sa mga taguan sa bangin.

Ipakita mo sa akin ang iyong mukha,

at iparinig din ang iyong tinig,

dahil napakalambing ng tinig mo,

at napakaganda ng mukha mo.

Mga Babae ng Jerusalem

15Bilis!

Hulihin ang mga asong-gubat na sumisira

ng aming mga ubasang namumulaklak.

Babae

16Akin lang ang mahal ko,

at ako naman ay kanya lang.

Nagpapastol siya

sa gitna ng mga liryo.

17Bago magbukang-liwayway

at magliwanag,

magbalik ka, mahal ko.

Tumakbo ka na kasimbilis

ng batang usa o gasela sa kabundukan.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help