Mga Bilang 12 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Kinalaban nina Miriam at Aaron si Moises

1Ngayon, siniraan nila Miriam at Aaron si Moises dahil nakapag-asawa siya ng isang taga-Cush.

2Sinabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nakikipag-usap ang Panginoon? Nakikipag-usap din siya sa amin.” Subalit narinig ito ng Panginoon.

3(Mapagpakumbaba si Moises higit sa lahat ng mga tao sa mundo.)

4Kaya nakipag-usap agad ang Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo at pumunta sa Toldang Tipanan.” Kaya pumunta silang tatlo sa Tolda.

5Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tinawag sina Aaron at Miriam. Paglapit ng dalawa,

6sinabi ng Panginoon sa kanila, “Pakinggan ninyo ito:

Kapag may propeta sa inyo,

ako, ang Panginoon,

ay nakikipag-usap sa kanya

sa pamamagitan ng pangitain

at panaginip.

7Ngunit hindi ako ganoon makipag-usap

sa aking lingkod na si Moises

na mapagkakatiwalaang pinuno

ng aking mga mamamayan.

8Kung nakikipag-usap ako sa kanya,

magkaharap lang kami.

Malinaw ang aming usapan

at hindi paligoy-ligoy.

Nakikita niya ang aking anyo.

Kaya bakit hindi kayo natakot

magsalita ng masama laban

sa aking lingkod na si Moises?”

9Nagalit ang Panginoon sa kanila, at umalis siya.

10Nang umalis na ang ulap sa ibabaw ng Tolda, tinubuan si Miriam ng malubhang sakit sa balat, at namuti ang kanyang balat. Pagkakita ni Aaron sa kanya,

11sinabi ni Aaron kay Moises, “Pakiusap kapatid ko, huwag po ninyo kaming pahirapan dahil sa kasalanang nagawa namin nang may kahangalan.

12Huwag ninyong hayaang maging tulad si Miriam sa isang batang patay nang ipinanganak at bulok ang kalahating katawan.”

13Kaya nagmakaawa si Moises sa Panginoon, “O Diyos ko, nakikiusap po ako sa inyo na pagalingin ninyo si Miriam.”

14Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Hindi baʼt kapag dinuraan siya ng kanyang ama sa mukha ay pagdurusahan niya ang kahihiyang ito sa loob ng pitong araw? Kaya, palabasin siya sa kampo sa loob ng pitong araw, at pagkatapos ng pitong araw, maaari na siyang makabalik.”

15Kaya pinalabas si Miriam sa kampo sa loob ng pitong araw. Hindi nagpatuloy ang mga tao sa paglalakbay hanggang sa makabalik si Miriam sa kampo.

16Pagkatapos noon, umalis sila sa Hazerot, at nagkampo sa disyerto ng Paran.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help