Awit 4 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Lalaki

1Napakaganda mo, O irog ko.

Ang mga mata mong natatakpan ng belo

ay parang mga mata ng kalapati.

Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing

na pababa sa Bundok ng Gilead.

2Ang mga ngipin moʼy kasimputi

ng kawan ng tupang bagong gupit

at napaliguan.

May kakambal ang bawat isa,

at walang nawawala sa pagkakahanay nila.

3Ang mga labi moʼy

parang pulang laso,

tunay ngang napakaganda.

Ang mga pisngi mong natatakpan ng beloʼy

mamula-mula na parang bunga

ng pomegranata.

4Ang leeg moʼy kasingganda

ng tore ni David.

Napapalamutian ng kuwintas

na tila isang libong kalasag

ng mga kawal.

5Ang dibdib moʼy kasintikas

ng tindig ng kambal na batang usa

na nanginginain sa gitna ng mga liryo.

6Bago magbukang-liwayway

at bago mawala ang dilim,

ako ay tutungo sa bundok

na pinabango ng mira,

sa burol na pinabango ng insenso.

7O irog ko,

ang lahat sa iyoʼy maganda.

Walang maipipintas sa iyo.

8Sumama ka sa akin,

O aking magiging kabiyak,

sumáma ka mula sa Lebanon.

Bumaba tayo mula

sa tuktok ng bundok Amana,

mula sa itaas ng bundok Senir,

sa pinakatugatog ng bundok Hermon

mula sa kuweba ng mga leon

at sa kabundukang puno ng mga leopardo.

9Ang puso koʼy nabihag mo,

o irog ko na aking magiging kabiyak.

Ang puso koʼy nabihag mo

sa isang sulyap ng iyong mga mata

at sa isang hiyas ng iyong kuwintas.

10Ang pag-ibig mo aking irog

ay walang kasintamis.

O aking magiging kabiyak,

higit pa ito kaysa sa masarap

na inumin.

Ang samyo ng iyong pabangoʼy

mas mabango kaysa sa lahat

ng pabango.

11Ang mga labi mo,

aking magiging kabiyak

ay kasintamis ng pulot.

Ang dila moʼy

tila may gatas at pulot.

At ang damit moʼy kasimbango

ng mga puno ng sedro sa Lebanon.

12O irog ko, aking magiging kabiyak,

tulad ka ng isang halamanan

na may bukal at nababakuran.

13Ang mga halaman ay namumunga,

isang hardin na puno ng pomegranata

at iba pang mga piling bunga,

tulad ng halamang nardo at henna.

14Maliban sa nardo,

may safron, kalamo at sinamon,

maging ang mga puno

ng ibaʼt ibang klaseng insenso,

tulad ng mira at aloe

at iba pang mamahaling pabango.

15Tulad ka ng isang bukal sa hardin,

isang balon na dumadaloy,

at umaagos pababa mula sa Lebanon.

Babae

16Bumangon ka, hanging amihan,

at pumarito ka, hanging habagat.

Umihip kayo sa aking hardin

upang kumalat ang bango nito.

Papuntahin ang aking mahal

sa kanyang hardin

upang ang mga piling bunga nito ay kainin.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help