Awit 6 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Mga Babae ng Jerusalem

1O babaeng pinakamaganda,

nasaan na ang iyong mahal?

Saan siya nagpunta

upang matulungan ka naming

hanapin siya?

Babae

2Ang aking mahal

ay nagpunta sa kanyang hardin,

sa taniman ng mga halaman na

ginagawang pabango,

upang dooʼy mamasyal

at manguha ng mga liryo.

3Akoʼy sa aking mahal,

at ang mahal ko naman

ay sa akin lang.

Nagpapastol siya

sa gitna ng mga liryo.

Lalaki

4O napakaganda mo, irog ko.

Kasingganda ka ng lungsod ng Tirza

at kabigha-bighani gaya ng Jerusalem.

Kamangha-mangha ka

gaya ng mga kawal

na may dalang mga bandila.

5Huwag mo akong titigan

sapagkat akoʼy naguguluhan.

Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing

na bumababa sa Bundok ng Gilead.

6Ang mga ngipin moʼy kasimputi

ng kawan ng tupang bagong paligo.

Buong-buo at maganda

ang pagkakahanay nito.

7Mamula-mula ang noo mong natatakpan ng belo,

tulad ng bunga ng pomegranata.

8Kahit na akoʼy may animnapung asawang reyna,

walumpung asawang alipin,

at hindi mabilang na mga dalaga,

9nag-iisa lamang ang aking sinisinta.

Ang aking kalapati ay walang kapintasan,

nag-iisa at itinatanging anak na babae

ng kanyang ina.

Ang mga babaeng nakakakita sa kanya

ay hindi mapigilang purihin siya.

Kahit na ang mga asawang reyna

at asawang alipin

ay humahanga sa kanya.

10Sino ba itong dumarating na tulad

ng bukang-liwayway,

singganda ng buwan,

singliwanag ng araw,

at kamangha-manghang tulad

ng mga pumaparadang bituin?

11Pumunta ako sa taniman ng almendra

upang tingnan ang mga bagong tanim

na sumibol sa may lambak,

at upang tingnan na rin

kung umuusbong na ang mga ubas

at kung ang mga pomegranata

ay namumulaklak na.

12Hindi ko namalayan,

ako palaʼy nandoon na

sa maharlikang higaan

kasama ang aking mahal.

Mga Babae ng Jerusalem

13Bumalik ka, dalagang taga-Shulam,

bumalik ka

upang ikaw ay aming pagmasdan.Lalaki

Bakit gusto ninyong pagmasdan

ang dalaga ng Shulam

na sumasayaw sa gitna

ng mga manonood?

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help