Salmo 41 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 41Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David.

1Mapalad ang taong nagmamalasakit sa mga mahihirap.

Tutulungan siya ng Panginoon sa panahon ng kaguluhan.

2Ipagtatanggol siya ng Panginoon, at iingatan ang kanyang buhay.

Pagpapalain din siya sa lupain natin.

At hindi siya isusuko sa kanyang mga kaaway.

3Tutulungan siya ng Panginoon kung siya ay may sakit,

at pagagalingin siya sa kanyang karamdaman.

4Sinabi ko,

“O Panginoon, nagkasala ako sa inyo.

Maawa kayo sa akin,

at akoʼy pagalingin.”

5Ang aking mga kaaway

ay nagsasalita laban sa akin.

Sinasabi nila,

“Kailan ba siya mamamatay

upang makalimutan na siya?”

6Kapag dumadalaw sila sa akin,

nagkukunwari silang nangungumusta,

pero nag-iipon lang pala sila

ng masasabi laban sa akin.

Kapag silaʼy lumabas na,

ikinakalat nila ito.

7Ang lahat ng galit sa akin

ay masama ang iniisip tungkol sa akin,

at pinagbubulung-bulungan nila ito.

8Sinasabi nila,

“Malala na ang karamdaman niyan,

kaya hindi na ʼyan makakatayo!”

9Kahit ang pinakamatalik kong kaibigan

na kasalo ko palagi sa pagkain

at pinagkakatiwalaan,

nagawa akong pagtaksilan!

10Ngunit kayo Panginoon,

akoʼy inyong kahabagan.

Pagalingin nʼyo ako

upang makaganti na ako

sa aking mga kaaway.

11Alam kong kayoʼy nalulugod sa akin,

dahil hindi ako natatalo ng aking mga kaaway.

12Dahil akoʼy taong matuwid,

tinutulungan nʼyo ako at pinapanatili

sa inyong presensya magpakailanman.

13Purihin ang Panginoon,

ang Diyos ng Israel, magpakailanman.

Amen! Amen!

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help