Salmo 17 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 17Ito ay panalangin ni David.

1O Panginoon, pakinggan ninyo

ang taimtim kong dalangin.

Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.

2Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,

kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.

3Siniyasat nʼyo ang puso ko,

at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,

ngunit wala kayong nakitang

anumang kasalanan sa akin.

Napagpasyahan ko na hindi ako

magsasalita ng masama

4gaya ng ginagawa ng iba.

Dahil sa inyong mga salita,

iniiwasan ko ang paggawa

ng masama at kalupitan.

5Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,

at hindi ako bumabaling sa kaliwa

o sa kanan man.

6O Diyos sa inyo akoʼy dumadalangin,

dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.

Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.

7Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig

sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.

Alam ko, sa inyong kapangyarihan,

inyong inililigtas ang mga taong

nanganganlong sa inyo

mula sa kanilang mga kaaway.

8Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat

ng tao sa kanyang mga mata,

at kalingain nʼyo gaya ng inahing manok

sa kanyang mga sisiw sa ilalim

ng kanyang mga pakpak.

9Ipagtanggol nʼyo po ako

sa aking mga kaaway

na nakapaligid sa akin

at nagtatangka sa aking buhay.

10Silaʼy mga walang awa

at mayayabang magsalita.

11Akoʼy hinanap nila

at ngayoʼy kanilang napapaligiran.

Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.

12Para silang mga leon

na nakakubliʼt nag-aabang,

at nakahandang sumakmal ng mga biktima.

13O Panginoon, mga kaaway koʼy talunin.

Sa pamamagitan ng inyong tabak,

akoʼy inyong iligtas mula

sa mga taong masasama.

14Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao

na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.

Kaming mga minamahal ninyo

ay biyayaan ng kasaganaan,

pati ang aming mga anak,

hanggang sa aming kaapu-apuhan.

15Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.

At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help