Ezekiel 30 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Isang Panaghoy Tungkol sa Ehipto

1Sinabi ng Panginoon sa akin:

2“Anak ng tao, sabihin mo ang ipinasasabi ko sa mga taga-Ehipto. Sabihin mong: Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon:

‘Umiyak kayo nang malakas

dahil sa kapahamakang darating sa inyo.

3Sapagkat malapit nang dumating

ang araw na iyon,

ang araw ng paghatol ng Panginoon.

Magiging maulap ang araw na iyon,

oras ng kadiliman para sa mga bansa.

4Sasalakayin ang Ehipto

at maghihirap ang Etiopia.

Maraming mamamatay na taga-Ehipto,

sasamsamin ang mga kayamanan nila

at wawasakin ito.

5Sa digmaang iyon, mapapatay ang maraming taga-Etiopia, Put, Lydia, Arabia, Libya at iba pang mga bansang kakampi ng Ehipto.

6“ ‘Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon:

Mapapahamak ang mga kakampi ng Ehipto

at mababalewala ang kanyang

ipinagmamalaking kapangyarihan.

Mamamatay ang kanyang mga mamamayan

mula sa Migdol hanggang sa Aswan.

7Magiging tiwangwang ang Ehipto

sa lahat ng bansa

at ang kanyang mga lungsod

ang magiging pinakawasak

sa lahat ng mga lungsod.

8Malalaman nila na ako ang Panginoon

kapag sinunog ko na ang Ehipto

at mapuksa ang lahat ng kanyang kakampi.

9“ ‘Sa panahong iyon, magsusugo ako ng mga tagapagbalita na sasakay sa mga barko upang takutin ang mga taga-Etiopia na hindi nababahala. Matatakot sila sa oras na mawasak ang Ehipto, at ang oras na iyon ay tiyak na darating.

10“ ‘Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon:

Gagamitin ko si Nebucadnezar,

ang hari ng Babilonia

upang patayin

ang mga mamamayan ng Ehipto.

11Siya at ang kanyang mga sundalo,

na siyang pinakamalulupit na sundalo

sa lahat ng mga bansa

ang ipapadala ko sa Ehipto upang wasakin ito.

Makikipagdigmaan sila dito

at kakalat ang mga bangkay sa buong lupain.

12Patutuyuin ko ang Ilog Nilo

at ipapasakop ko ang Ehipto

sa masasamang tao.

Wawasakin ko ang buong bansa ng Ehipto

at ang lahat ng naroon

sa pamamagitan ng mga dayuhan.

Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13“ ‘Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon:

Wawasakin ko ang mga diyos-diyosan

at sisirain ko ang mga imahe sa Memfis.

Wala nang mamumuno sa Ehipto

at tatakutin ko

ang mga mamamayan nito.

14Gagawin kong tiwangwang ang Patros,

susunugin ko ang Zoan

at parurusahan ko ang Tebes.

15Ibubuhos ko ang galit ko sa Pelosium,

ang matibay na tanggulan ng Ehipto,

at lilipulin ko ang maraming taga-Tebes.

16Susunugin ko ang Ehipto;

magtitiis ng hirap ang Pelosium.

Mawawasak ang Tebes,

at laging matatakot ang Memfis.

17Mamamatay sa digmaan

ang mga kabataang lalaki

ng Heliopolis at Bubastis,

at ang mga matitirang tao

sa mga lungsod na ito

ay bibihagin bilang mga alipin.

18Kapag inalis ko na

ang kapangyarihan ng Ehipto,

magiging madilim ang araw

na iyon para sa Tapanhes.

Mawawala na ang ipinagmamalaking

kapangyarihan ng Ehipto.

Matatakpan siya ng ulap,

at ang mga mamamayan

sa kanyang mga lungsod ay bibihagin.

19Ganyan ang magiging parusa ko

sa Ehipto

at malalaman ng kanyang mga mamamayan

na ako ang Panginoon.’ ”

Nabali ang mga Braso ng Faraon

20At noong ikapitong araw ng unang buwan, nang ikalabing-isang taon ng aming pagkabihag, sinabi ng Panginoon sa akin:

21“Anak ng tao, binali ko ang braso ng Faraon na hari ng Ehipto. Walang gumamot sa kanya upang gumaling at lumakas upang muling makahawak ng espada.

22Kaya sabihin mo sa kanya na ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing laban ako sa Faraon ng Ehipto. Babaliin ko ang isa pa niyang braso upang mabitawan niya ang kanyang espada.

23Ikakalat ko ang mga taga-Ehipto sa ibaʼt ibang bansa.

24Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia at pahahawakan ko sa kanya ang aking espada. Ngunit babaliin ko ang mga braso ng Faraon, at dadaing siyang sugatan at halos mamatay na sa harap ng hari ng Babilonia.

25Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia, pero gagawin kong inutil ang mga braso ng Faraon. Kapag ipinahawak ko ang aking espada sa hari ng Babilonia at gamitin niya ito laban sa Ehipto, malalaman ng mga taga-Ehipto na ako ang Panginoon.

26Ikakalat ko ang mga taga-Ehipto sa lahat ng bansa at malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help