1Pakinggan mo, O langit, ang aking sasabihin!
Pakinggan mo ang mga salitang aking sasambitin.
2Ang mga katuruan koʼy papatak gaya ng ulan
at bababa tulad ng hamog sa damuhan,
tulad ng buhos ng ulan sa mga pananim,
parang saganang ulan sa mga halaman.
3Ipapahayag ko ang pangalan ng Panginoon,
Purihin ang kadakilaan ng ating Diyos.
4Siya ang Batong Kanlungan,
mga gawa niya ay walang kamalian,
Siyaʼy Diyos na matapat,
matuwid kanyang daan, at makatarungan.
5Ngunit ang ginagawa nilaʼy laban sa kanya.
Silaʼy hindi na niya anak.
Wala silang kahihiyan
at silaʼy isang baluktot
at suwail na henerasyon.
6Sa ganitong paraan ba ninyo gagantihan ang Panginoon,
kayong mga mangmang at hangal na mga tao?
Hindi baʼt siya ang inyong Ama
na lumalang sa inyo?
Siya ang lumikha at humubog sa inyo.
7Alalahanin ninyo ang mga araw na lumipas;
isipin ang mga nagdaang henerasyon.
Tanungin ninyo ang inyong mga magulang at mga matatanda,
at sasabihin nila ito sa inyo.
8Nang binigyan ng Kataas-taasang Diyos
ang mga bansa ng lupain nila
at nang pinagbukod-bukod niya ang sangkatauhan,
nilagyan niya sila ng hangganan
ayon sa dami ng mga anghel ng Diyos.
9Pinili rin ng Panginoon ang lahi ni Jacob
bilang mamamayan niyang inangkin.
10Nakita niya sila sa disyerto,
kung saan halos walang tumutubong pananim.
Binabantayan niya sila at iniingatan
katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata.
11Binantayan niya sila
gaya ng pagbabantay ng agila
sa kanyang mga inakay
habang tinuturuan niya itong lumipad.
Ibinubuka niya ang kanyang mga pakpak
para saluhin at buhatin sila.
12Ang Panginoon lamang
ang gumagabay sa kanyang mga mamamayan,
walang tulong mula sa ibang mga diyos.
13Sila ang pinamahala niya sa mga kabundukan,
at pinakain ng mga ani ng lupa.
Inalagaan niya sila
sa pamamagitan ng pulot mula sa batuhan
at ng langis ng olibo mula sa mabatong lupa.
14Binigyan niya sila ng keso at gatas
ng mga baka at kambing,
at binigyan ng matatabang tupa
at kambing mula sa Bashan.
Binigyan din niya sila ng pinakamainam na trigo
at pinainom ng alak.
15Naging maunlad ang mga Israelita
subalit nagrebelde sila.
Tumaba sila at lumakas,
ngunit tinalikuran nila ang Diyos
na lumikha sa kanila,
at sinuway nila ang Batong kanlungan
na kanilang Tagapagligtas.
16Pinagselos nila at ginalit ang Panginoon
dahil sa kanilang pagsamba sa mga diyos na kasuklam-suklam.
17Naghandog sila sa mga demonyo na hindi tunay na Diyos,
mga diyos na hindi nila kilala
at kailan lamang lumitaw,
at hindi iginalang ng kanilang mga ninuno.
18Kinalimutan nila ang Diyos na Batong kanlungan
at lumikha sa kanila.
19Nakita ito ng Panginoon,
at dahil sa kanyang galit,
itinakwil niya sila na kanyang mga anak.
20“Tatalikuran ko sila,” sabi ng Panginoon,
“at titingnan ko kung ano ang kanilang kahihinatnan,
sapagkat silaʼy masamang henerasyon,
mga anak na hindi matapat.
21Pinagselos nila ako
sa mga hindi tunay na diyos,
at ginalit nila ako
sa kanilang walang kuwentang mga diyos-diyosan.
Kaya pagseselosin ko rin sila
sa pamamagitan ng pagpapala ko
sa ibang mga lahi.
Gagalitin ko sila
sa pamamagitan ng pagpapala ko
sa mga mangmang na bansa.”
22Naglalagablab na parang apoy ang aking galit;
susunugin nito ang lupa
at ang lahat ng naroon,
pati ang kailaliman ng lupa,
at ang pundasyon ng mga bundok.
23“Tatambakan ko sila ng mga kalamidad,
at tatamaan sila ng aking mga pana.
24Gugutumin ko sila;
at mamamatay sila sa gutom at karamdaman.
Padadalhan ko sila ng mababangis na hayop
upang silaʼy salakayin
at mga ahas upang silaʼy tuklawin.
25Sa labas ng kanilang bahay,
marami ang mamamatay sa labanan,
at sa loob nitoʼy maghahari ang takot.
Mamamatay ang lahat,
maging ang mga kabataan,
matatanda at mga bata.
26Sinabi ko na ikakalat ko sila
hanggang sa hindi na sila maalala sa mundo.
27Ngunit hindi ko papayagang magyabang
ang kanilang mga kaaway.
Baka sabihin nila, ‘Natalo natin sila.
Hindi ang Panginoon ang gumawa nito.’ ”
28Ang Israel ay isang bansa
na walang alam at pang-unawa.
29Kung matalino lang sila,
mauunawaan sana nila ang kanilang kahihinatnan.
30Paano ba mahahabol ng isang tao
ang isang libong Israelita?
Paano matatalo ng dalawang tao
ang sampung libo sa kanila?
Mangyayari lamang ito
kung ibinigay sila ng Panginoon na kanilang Batong kanlungan.
31Sapagkat ang Batong kanlungan
ng ating mga kaaway
ay hindi katulad ng ating batong kanlungan;
at kahit silaʼy nakababatid nito.
32Kasinsama ng mga naninirahan
sa Sodoma at Gomora ang ating mga kaaway,
katulad ng kumpol ng ubas
na mapait at nakakalason ang bunga,
33at katulad ng alak na gawa sa kamandag ng ahas.
34Nababatid ng Panginoon
ang kanilang ginagawa,
iniipon niya muna ito
at naghihintay ng tamang panahon upang parusahan sila.
35Sabi niya, “Ako ang maghihiganti
at magpaparusa sa kanila,
sapagkat darating ang panahong madudulas sila.
Malapit nang dumating
ang panahon ng kanilang pagbagsak.”
36Ipagtatanggol ng Panginoon
ang kanyang mga mamamayan;
kaaawaan niya ang kanyang mga lingkod,
kapag nakita niyang wala na silang lakas
at kakaunti na lang ang natira sa kanila, alipin man o hindi.
37At pagkatapos ay magtatanong ang Panginoon sa kanyang mamamayan,
“Nasaan na ngayon ang inyong mga diyos,
ang batong kanlungan ninyo?
38Nasaan na ngayon ang inyong mga diyos
na kumakain ng taba
at umiinom ng alak na inyong handog?
Magpatulong kayo sa kanila,
at gawin ninyo silang kublihan!
39“Tingnan ninyo ngayon;
ako lang ang Diyos!
Wala nang iba pang diyos maliban sa akin.
Ako ang pumapatay
at ako ang nagbibigay-buhay;
ako ang sumusugat at nagpapagaling,
at walang makatatakas
sa aking mga kamay.
40Ngayon, itataas ko
ang aking mga kamay at manunumpa:
Ako na nabubuhay magpakailanman,
41hahasain ko ang aking espada
at gagamitin ko ito sa aking pagpaparusa.
Gagantihan ko ang aking mga kaaway
at pagbabayarin ang mga napopoot sa akin.
42Dadanak ang kanilang dugo sa aking pana,
at ang aking espada ang papatay sa kanilang mga katawan.
Mamamatay sila pati na ang sugatan at mga bilanggo.
Mamamatay pati ang kanilang mga pinuno.”
43Mga bansa, purihin ninyo
ang mga mamamayan ng Panginoon.
Sapagkat maghihiganti ang Panginoon
sa mga pumatay sa kanyang mga lingkod.
Gaganti siya sa kanyang mga kaaway,
at lilinisin niya ang kanyang lupain
at ang kanyang mamamayan.
44Ito nga ang inawit ni Moises kasama si Josue sa harapan ng mga Israelita.
45-46Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi ni Moises sa buong Israel, “Itanim ninyo sa inyong mga puso ang lahat ng sinasabi ko sa inyo sa araw na ito. Ituro rin ninyo ito sa inyong mga anak para matupad nilang mabuti ang lahat ng sinasabi sa mga utos na ito.
47Hindi lang karaniwang salita ang mga utos na ito; magbibigay ito sa inyo ng buhay. Kung susundin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupain na aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan.”
Ipinaalam ang Kamatayan ni Moises48Nang araw ding iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises,
49“Pumunta ka sa Moab, sa kabundukan ng Abarim, at umakyat ka sa bundok ng Nebo na nakaharap sa Jerico. Tanawin mo roon ang Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita na kanilang aangkinin.
50Sapagkat sa bundok na iyan ka mamamatay at isasama na sa iyong mga kamag-anak na sumakabilang buhay na, gaya ni Aaron na iyong kapatid nang mamatay siya sa Bundok ng Hor at isinama na rin sa mga kamag-anak niya na sumakabilang buhay na.
51Sapagkat dalawa kayong nawalan ng pagtitiwala sa akin sa harap ng mga Israelita nang naroon kayo sa tubig ng Meriba sa Kades, sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinarangalan ang aking kabanalan sa kanilang harapan.
52Kaya makikita mo lang sa malayo ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita, ngunit hindi ka makakapasok doon.”
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.