Salmo 141 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Salmo 141Awit na isinulat ni David.

1 Panginoon, tumatawag po ako sa inyo;

nawaʼy agad ninyo akong tulungan.

Dinggin ninyo ang panawagan ko sa inyo.

2Tanggapin nʼyo sana ang dalangin ko bilang insenso,

ang pagtataas ko ng aking mga kamay bilang handog panggabi.

3 Panginoon, tulungan nʼyo akong huwag makapagsalita ng masama.

4Ilayo nʼyo ako sa gawaing masama at sa mga taong gumagawa nito.

Ilayo nʼyo rin ako sa kanilang mga handaan upang huwag makisalo.

5Tatanggapin ko ang parusa at pagsaway ng taong matuwid,

dahil ginagawa niya ito na may pag-ibig at pagmamalasakit sa akin.

Itoʼy parang langis sa aking ulo.

Ngunit sa masasamang tao ang lagi kong panalangin

ay laban sa kanilang masasamang gawain.

6Kapag itinapon na ang kanilang mga pinuno sa mabatong bangin,

maniniwala silang totoo ang mga sinasabi ko.

7Sasabihin nila, “Kakalat sa libingan ang mga buto natin

katulad ng mga bato na naglalabasan at kumakalat kapag inaararo ang lupa.”

8O Makapangyarihang Panginoon, akoʼy lumalapit sa inyo.

Hinihiling ko sa inyo na ingatan nʼyo ako,

huwag nʼyong hahayaang akoʼy mamatay.

9Ilayo nʼyo ako mula sa mga bitag

na inilaan sa akin ng masasamang tao.

10Sila sana ang mahulog sa sarili nilang bitag,

habang ako naman ay makakaiwas doon.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help