1Mula kay Pablo na tinawag upang maging apostol ni Kristo Hesus ayon sa kalooban ng Diyos, at kay Sostenes na ating kapatid,
2Sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, kayong mga ibinukod upang maging kanya sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus, mga hinirang niyang maging banal na mga tao niya, kasama ang lahat saan mang lugar na kumikilala sa ating Panginoong Hesu-Kristo na Panginoon nating lahat:
3Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang nagmumula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesu-Kristo.
Pasasalamat4Palagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.
5Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, pinalago kayo ng Diyos sa lahat ng bagay: sa pananalita at kaalaman.
6Dahil dito, napatunayan sa inyo na ang mga itinuro namin tungkol kay Kristo ay totoo.
7Kaya hindi kayo kinukulang sa anumang kaloob na espirituwal habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
8Pananatilihin niya kayong matatag sa pananampalataya hanggang sa katapusan, upang kayoʼy maging walang kapintasan sa araw ng pagdating ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
9Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Hesu-Kristo na ating Panginoon.
Ang Pagkakawatak-watak sa Iglesya10Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Hesu-Kristo, na magkaisa kayong lahat, na walang hidwaang mamagitan sa inyo. Sa halip, magkaisa kayo sa isip at layunin.
11Sinasabi ko ito mga kapatid, dahil may nagbalita sa akin mula sa tahanan ni Cloe na may mga alitan sa inyo.
12Ito ang ibig kong sabihin: Ang iba daw sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako”; ang iba namaʼy “Kay Apolos ako.” May iba ring nagsasabi, “Kay Pedro ako”; at ang iba naman ay “Kay Kristo ako.”
13Bakit, nahahati ba si Kristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo?
14Salamat sa Diyos at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gayo.
15Kaya walang makapagsasabing binautismuhan kayo sa pangalan ko.
16(Binautismuhan ko rin pala si Estefanas at ang kanyang pamilya. Maliban sa kanila, wala na akong natatandaang binautismuhan ko.)
17Sapagkat hindi ako isinugo ni Kristo para magbautismo, kundi para mangaral ng Magandang Balita. At hindi ko ito ginagawa sa pamamagitan ng mahusay na pananalita at karunungan ng tao, upang hindi mawalan ng kapangyarihan ang pagkamatay ni Kristo sa krus.
Si Kristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos18Ang mensahe ng pagkamatay ni Kristo sa krus ay kamangmangan para sa mga napapahamak, ngunit sa ating mga naliligtas, itoʼy kapangyarihan ng Diyos.
19Sapagkat sinasabi sa Kasulatan:
“Sisirain ko ang karunungan ng marurunong,
at ipapawalang-saysay ko ang katalinuhan ng matatalino.”
20Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mahuhusay sa debate sa panahong ito? Hindi baʼt ipinakita ng Diyos na ang karunungan ng mundong ito ay kamangmangan?
21Sapagkat sa karunungan ng Diyos, hindi niya ipinahintulot na makilala siya ng tao sa pamamagitan ng karunungan ng mundong ito. Mas minabuti ng Diyos na iligtas ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa ipinangangaral na Magandang Balita, na ayon sa iba ay kamangmangan lamang.
22Ang mga Hudyo ay ayaw maniwala hanggaʼt walang nakikitang himala, at ang mga Griyego naman ay naghahanap ng sinasabi nilang karunungan.
23Ngunit kami naman ay ipinapangaral ang Kristo na ipinako sa krus: bagay na hindi matanggap ng mga Hudyo, at isang kamangmangan para sa mga Hentil.
24Subalit para sa mga tinawag ng Diyos, Hudyo man o Hentil, si Kristo ang siyang kapangyarihan at karunungan ng Diyos.
25Sapagkat ang inaakala ng tao na kamangmangan ng Diyos ay higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay higit pa sa kalakasan ng tao.
26Mga kapatid, isipin ninyo kung ano ang inyong kalagayan nang kayoʼy tawagin ng Diyos. Iilan lamang sa inyo ang masasabing matalino sa paningin ng mundo, at iilan lamang ang makapangyarihan o nagmula sa mga kilalang angkan.
27Ngunit pinili ng Diyos ang mga itinuturing ng mundo na mangmang para ipahiya ang mga marurunong. Pinili ng Diyos ang mga itinuturing ng mundo na mahihina para ipahiya ang malalakas.
28At pinili ng Diyos ang mga itinuturing ng mundo na mababa at walang halaga upang mapawalang-halaga ang itinuturing ng mundo na mahalaga.
29Kaya walang makakapagmalaki sa harapan ng Diyos.
30Dahil sa kanya, tayoʼy nakay Kristo Hesus. Si Kristo ang karunungan ng Diyos para sa atin. Sa pamamagitan niya, itinuring tayo ng Diyos na matuwid, ibinukod para sa kanya, at tinubos sa ating mga kasalanan.
31Kagaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang gustong magmalaki, ipagmalaki lamang ang ginawa ng Panginoon.”
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.