Kawikaan 18 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

1Ang taong makasarili

ay humihiwalay sa karamihan

at sumasalungat sa lahat

ng tamang kaisipan.

2Ang taong hangal

ay hindi naghahangad na matuto;

ang gusto lang niya

ay masabi ang nasa isipan.

3Ang paggawa ng kasamaan

at nakakahiyang mga bagay

ay makapagbibigay ng kahihiyan.

4Ang salita ng taong marunong

ay nakapagbibigay ng karunungan sa iba;

ito ay katulad ng tubig na umaagos

mula sa malalim na batis.

5Hindi mabuting kampihan

ang taong nagkasala

at hindi mabuting ipagkait

ang katarungan

sa taong walang kasalanan.

6Ang sinasabi ng taong hangal

ang pinagsisimulan ng alitan

at magdadala sa kanya

sa kaguluhan.

7Ang mga sinasabi ng hangal

ang magpapahamak sa kanya

at ang kanyang mga labi

ay bitag sa kanyang buhay.

8Ang tsismis

ay parang pagkaing masarap nguyain at lunukin;

at nakakarating sa kaloob-looban ng tao.

9Ang taong tamad magtrabaho,

pareho ng mapanirang tao.

10Ang Panginoon ay katulad

ng toreng matibay,

kanlungan ng mga matuwid

sa oras ng panganib.

11Ang akala ng taong mayaman

ay maipagtatanggol siya

ng kanyang kayamanan

tulad ng mga pader na nakapalibot

sa buong bayan.

12Ang pagmamataas ng tao

ang magpapahamak sa kanya,

ngunit ang pagpapakumbaba

ang magpaparangal sa kanya.

13Hangal at kahiya-hiya

ang taong sumasagot sa usapan

nang hindi muna nakikinig.

14Sa taong may karamdaman,

tatag ng loob ang magbibigay kalakasan.

Kung mawawalan siya ng pag-asa,

wala nang makakatulong pa sa kanya.

15Ang taong marunong at nakauunawa

ay lalo pang naghahangad

ng karunungan.

16Madaling makikipagkita

sa iyo ang dakilang tao

kapag may dala kang regalo

para sa kanya.

17Ang unang naglahad ng salaysay sa korte

ay parang iyon na ang totoo,

hanggang hindi pa nasusuri

at natatanong ng kabilang panig.

18Napapatigil ng palabunutan

ang mga alitan,

at pinagkakasundo ang mahigpit

na magkalaban.

19Mas madali pang sakupin

ang isang napapaderang bayan

kaysa sa makipagbati

sa kapatid na nasaktan.

Kung paanong mahirap wasakin

ang mga kandado ng tarangkahan

ng palasyo,

mahirap din pigilin ang alitan

ng dalawang tao.

20Sa bunga ng bibig ng tao,

mabubusog ang kanyang tiyan.

At sa kahihinatnan ng salitang

kanyang binibitawan,

siya ay nasisiyahan.

21Ang salita ng tao

ay makapagliligtas ng buhay

o kaya ay nakamamatay.

Kaya mag-ingat sa pagsasalita

sapagkat aanihin mo ang mga bunga nito.

22Kung nakapag-asawa ka,

nakatanggap ka ng kabutihan,

at ito ang nagpapakita na mabuti

ang Panginoon sa iyo.

23Nakikiusap ang dukha,

ngunit ang mayaman

ay masakit magsalita.

24May mga kaibigang nagdudulot

ng kapahamakan

ngunit may kaibigan mas malapít pa

kaysa sa kapatid.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help