1Minsan, nananalangin si Hesus sa isang lugar. Pagkatapos niyang manalangin, sinabi sa kanya ng isa sa mga alagad niya, “Panginoon, turuan nʼyo po kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa mga alagad niya.”
2Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kapag nananalangin kayo, ganito ang sabihin ninyo:
‘Ama,
sambahin nawa kayo ng mga tao.
Nawaʼy magsimula na ang inyong paghahari.
3Bigyan nʼyo kami ng pagkain sa araw-araw.
4At patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan,
sapagkat pinapatawad din namin ang mga nagkakasala sa amin.
At huwag nʼyo kaming hayaang matukso.’ ”
5Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Halimbawa, pumunta kayo sa kaibigan ninyo isang hatinggabi at sinabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiram naman diyan ng tatlong tinapay.
6Dumating kasi ang isa kong kaibigan na galing sa paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’
7Sasagot ang kaibigan mo mula sa loob ng bahay, ‘Huwag mo na akong istorbohin. Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng mga anak ko. Hindi na ako makakabangon pa para bigyan ka ng kailangan mo.’
8Ang totoo, kahit ayaw niyang bumangon at magbigay sa inyo sa kabila ng inyong pagkakaibigan, babangon din siya at magbibigay ng kailangan ninyo dahil sa inyong pagpupumilit.
9“Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo sa Diyos, at bibigyan niya kayo. Humanap kayo, at makakatagpo kayo. Kumatok kayo, at pagbubuksan kayo.
10Sapagkat ang sinumang humihingi ay nakakatanggap; ang naghahanap ay nakakatagpo; at ang kumakatok ay pinagbubuksan.
11“Kayong mga magulang, kung ang anak nʼyo ay humihingi ng isda, ahas ba ang ibibigay ninyo?
12At kung humihingi siya ng itlog, alakdan ba ang ibibigay ninyo?
13Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kanya.”
Ang Paratang Laban kay Hesus(Mat. 12:22‑30; Mar. 3:20‑27)14Minsan, nagpalayas si Hesus ng isang demonyo na naging sanhi ng pagkapipi ng lalaking sinaniban nito. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita na ang lalaki, at namangha ang mga tao.
15Ngunit may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Satanas na pinuno ng masasamáng espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!”
16Ang iba naman ay gustong subukin si Hesus, kaya hiniling nilang magpamalas siya ng tanda bilang patunay na sugo nga siya ng Diyos.
17Ngunit alam niya ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang isang kaharian ay nagkakawatak-watak at nag-aaway-away, babagsak ito. Ganoon din kapag nag-aaway-away ang isang sambahayan, magkakawatak-watak ito.
18Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakawatak-watak at nag-aaway-away, paano mananatili ang kaharian niya? Tinatanong ko ito dahil sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng masasamáng espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas.
19Kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamáng espiritu, sino naman ang nagbigay sa mga alagad ninyo ng kapangyarihang makapagpalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo.
20Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamáng espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos.
21“Kung ang isang taong malakas at armado ang nagbabantay sa kanyang bahay, ligtas ang mga ari-arian niya.
22Ngunit kapag sinalakay siya ng isang taong mas malakas kaysa sa kanya, matatalo siya, at kukunin nito ang mga armas na inaasahan niya at ipapamahagi ang mga ari-arian niya.
23“Ang hindi kumakampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa pagtitipon ko ay nagkakalat.
24“Kapag lumabas ang masamáng espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan ay iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan.
25Kung sa pagbabalik niya ay makita niyang malinis at maayos ang lahat,
26aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sásama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati.”
27Nagsasalita pa si Hesus nang biglang sumigaw ang isang babae sa gitna ng maraming tao, “Mapalad ang babaeng nagsilang at nagpasuso sa inyo!”
28Ngunit sumagot si Hesus, “Higit na mapalad ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Diyos.”
Humingi ng Himala ang mga Tao(Mat. 12:38‑42)29Nang lalo pang dumarami ang mga tao, sinabi ni Hesus, “Napakasamá ng henerasyong ito. Humihingi sila ng tanda, pero walang ipapakita sa kanila maliban sa tandang katulad ng nangyari kay Jonas.
30Kung paanong naging palatandaan si Jonas sa mga taga-Nineve, ganoon din ang Anak ng Tao sa henerasyong ito.
31Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo ang Reyna ng Timog at ipapamukha sa henerasyong ito ang kanilang kasalanan. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar upang makinig sa karunungan ni Solomon; at ngayoʼy narito ang isang mas dakila pa kay Solomon, ngunit ayaw ninyong makinig sa kanya.
32Maging ang mga taga-Nineve ay tatayo rin sa Araw ng Paghuhukom at hahatulan ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas; at ngayoʼy narito ang isang nakahihigit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw ninyong magsisi.
Ang Ilaw ng Katawan(Mat. 5:15; 6:22‑23)33“Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay itatago o tatakpan ito ng takalan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan para magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay.
34Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang mata mo, mapupuno ng liwanag ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang mata mo, mapupuno ng kadiliman ang buo mong katawan.
35Kaya tiyakin mong mabuti, dahil baka ang liwanag na inaakala mong nasa sa iyo ay kadiliman pala.
36Kung naliwanagan ang buo mong katawan, at walang bahaging nadiliman, magiging maliwanag ang lahat, na parang may ilaw na lumiliwanag sa iyo.”
Ang Pagtuligsa sa mga Pariseo at Tagapagturo ng Kautusan(Mat. 23:1‑36; Mar. 12:38‑40)37Pagkatapos magsalita ni Hesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa kanila. Kaya pumunta si Hesus at umupo sa may hapag-kainan.
38Nagtaka ang Pariseo nang makita niyang hindi muna naghugas ng kamay si Hesus bago kumain.
39Kaya sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, pero ang loob ninyoʼy punong-puno ng kasakiman at kasamaan.
40Mga mangmang! Hindi baʼt ang Diyos na gumawa ng labas, ang siya ring gumawa ng loob?
41Ngunit kung ibibigay ninyo bilang tulong sa mahihirap ang anumang nasa inyo, ang lahat ng bagay ay magiging malinis para sa inyo.
42“Nakakaawa kayong mga Pariseo! Ibinibigay nga ninyo ang ikapu ng mga pampalasa at mga gulay ninyo, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang pagiging makatarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Magbigay kayo ng mga ikapu ninyo, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mas mahalagang bagay.
43“Nakakaawa kayong mga Pariseo! Mahilig kayong umupo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga. At gustong-gusto ninyong batiin kayo at igalang sa matataong lugar.
44“Nakakaawa kayo! Sapagkat para kayong mga libingang walang palatandaan at nilalakaran lamang ng mga tao nang hindi nila nalalaman.”
45Sinagot si Hesus ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, pati kami ay iniinsulto mo sa sinabi mong iyan.”
46Sumagot si Hesus, “Nakakaawa rin kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Pinapahirapan ninyo ang mga tao sa inyong napakabibigat na kautusan, ngunit hindi man lang ninyo sila matulungan nang kahit kaunti.
47“Nakakaawa kayo! Pinapalamutian ninyo ang mga libingan ng mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno.
48Kaya kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa nila. Sapagkat pinatay nila ang mga propeta, at kayo naman ang nagpapaayos ng mga libingan nila.
49Kaya ito ang sinabi ng Diyos ayon sa karunungan niya, ‘Magpapadala ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; papatayin nila ang ilan sa mga ito at uusigin ang iba.’
50Kaya mananagot ang henerasyong ito sa pagkamatay ng mga propeta ng Diyos mula nang likhain ang mundo,
51mula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng altar at ng templo. Oo, tinitiyak ko sa inyo na parurusahan ang henerasyong ito dahil sa ginawa nila.
52“Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Sapagkat kinuha nʼyo sa mga tao ang susi sa pag-unawa ng katotohanan. Ayaw na nga ninyong sumunod sa katotohanan, hinahadlangan pa ninyo ang mga gustong sumunod.”
53Umalis si Hesus sa bahay na iyon. At mula noon, matindi na ang pambabatikos sa kanya ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan. Pinagtatanong siya tungkol sa maraming bagay,
54upang siya ay mahuli nila sa kanyang pananalita.
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.