Awit 3 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

1Sa gabi, habang akoʼy nakahiga,

nananabik ako sa aking minamahal.

Hinahanap-hanap ko siya,

subalit hindi makita.

2Kaya bumangon akoʼt nilibot ang lungsod,

mga lansangan, at mga liwasan.

Hinanap ko ang aking mahal,

pero hindi ko siya makita.

3Nakita ako ng mga guwardiya

na naglilibot sa lungsod.

Tinanong ko sila,

“Nakita ba ninyo ang minamahal ng puso ko?”

4Hindi pa man ako nakakalayo sa kanila,

nakita ko ang mahal ko.

Hinawakan ko siya ng buong higpit

at hindi binitiwan hanggang nadala ko siya

sa bahay ng aking ina,

doon sa silid kung saan ako nabuo.

5Kayong mga dalaga ng Jerusalem,

mangako kayo sa pamamagitan

ng mga batang usa at gasela,

na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig

ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating

ang tamang panahon.

6Sino kaya itong dumarating mula sa ilang

na tila makapal na usok na amoy mira

at insensong itinitinda ng mangangalakal?

7Tingnan ninyo!

Iyan ang karwahe ni Solomon na napapalibutan

ng animnapung pinakamagagaling na kawal ng Israel.

8Lahat silaʼy mayroong espada

at bihasa sa pakikipaglaban.

Laging handa

kahit sa gabi man sumalakay.

9Ang karwaheng iyon

na ipinagawa ni Haring Solomon

ay yari sa kahoy na galing sa Lebanon.

10Nababalot sa pilak ang haligi nito

at palamuting ginto ang tumatakip dito.

Ang kutson ng upuan

ay binalot sa telang kulay ube

at mga babaeng taga-Jerusalem

ang nagpaganda ng loob ng karwahe.

11Lumabas kayo,

kayong mga dalaga ng Jerusalem,

at tingnan ninyo si Haring Solomon na may korona.

Ipinutong ito sa kanya ng kanyang ina

sa araw ng kanyang kasal,

ang araw na buong puso niyang ikinagalak.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help