Jeremias 39 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

1Noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedequias sa Juda, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang buong hukbo niya sa Jerusalem.

2At noong ikaapat na buwan ng ikalabing-isang taon ng paghahari ni Zedequias, nawasak ng mga taga-Babilonia ang pader ng lungsod.

3Nang mapasok na nila ang Jerusalem, ang lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay umupo sa Gitnang Pintuan ng lungsod. Naroon sina Nergal Sharezer na taga-Samgar, Nebo, Sarsekim na isang pinuno, at isa pang Nergal-sarezer na isang opisyal, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia.

4Nang makita sila ni Zedequias na hari ng Juda at ng mga sundalo nito, tumakas sila mula sa lungsod, pagsapit ng gabi. Doon sila dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at pumunta sila sa Kapatagan ng Jordan.

5Ngunit hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Hinuli nila si Zedequias at dinala kay Haring Nebucadnezar sa Ribla sa lupain ng Hamat. At hinatulan siya roon ng kamatayan ni Nebucadnezar.

6Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedequias, pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedequias, at ang lahat ng pinuno ng Juda.

7At ipinadukot ng hari ang mga mata ni Zedequias at ikinadena siya at dinala sa Babilonia.

8Sa Jerusalem naman, sinunog ng mga taga-Babilonia ang mga bahay pati ang palasyo ng hari, at winasak nila ang mga pader.

9Sa pangunguna ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardiya, ipinadala sa Babilonia ang mga taong naiwan sa lungsod pati na ang mga taong kumampi kay Nebuzaradan.

10Ngunit iniwan ni Nebuzaradan sa Juda ang ilang mga taong wala kahit anumang ari-arian, at binigyan niya sila ng mga ubasan at bukirin.

11Nag-utos si Nebucadnezar na hari ng Babilonia kay Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardiya tungkol kay Jeremias. Sinabi niya,

12“Kunin mo si Jeremias at alagaan mo siyang mabuti. Gawin mo ang anumang hilingin niya.”

13Sinunod ito nina Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardiya, Nebuzazban, Nergal-sarezer at ng iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia.

14Ipinakuha nila si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardiya ng palasyo at ibinigay kay Gedalias na anak ni Ahikam na apo ni Safan, at dinala niya si Jeremias sa kanyang bahay. Kaya naiwan si Jeremias sa Juda kasama ang iba pa niyang mga kababayan.

15Noong si Jeremias ay nakakulong pa sa himpilan ng mga guwardiya ng palasyo, sinabi sa kanya ng Panginoon,

16“Pumunta ka kay Ebed-melec na taga-Etiopia at sabihin mo na ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel ay nagsasabi, ‘Gagawin ko na ang mga sinabi ko laban sa lungsod na ito. Hindi ko ito pauunlarin. Wawasakin ko ito. Makikita mo na mangyayari ito.

17Ngunit ililigtas kita sa mga panahong iyon, sabi ng Panginoon. Hindi kita ibibigay sa mga taong kinatatakutan mo.

18Ililigtas kita. Hindi ka mamamatay sa digmaan. Maliligtas ka dahil nagtitiwala ka sa akin,’ ” sabi ng Panginoon.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help