Deuteronomio 15 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang Taon ng Pagpapalaya sa mga may Utang

1Sa pagtatapos ng bawat ikapitong taon, dapat ninyong ipawalang-bisa ang lahat ng utang.

2Ito ang gawin ninyo: Hindi na dapat singilin ng nagpautang ang utang ng kapwa niya Israelita. Hindi na niya ito sisingilin dahil umabot na ang panahon na itinakda ng Panginoon na ipawalang-bisa ang mga utang.

3Maaari ninyong singilin ang mga dayuhan ngunit dapat ipawalang-bisa ninyo ang utang ng inyong kapwa Israelita.

4Kailangang walang maging mahirap sa inyo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos na inyong aangkinin, dahil tiyak na pagpapalain niya kayo,

5basta sundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Diyos at tuparin ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon.

6Pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Diyos ayon sa ipinangako niya sa inyo. Maraming bansa ang mangungutang sa inyo, ngunit kayo ay hindi mangungutang. Pamamahalaan ninyo ang maraming bansa ngunit hindi kayo mapamamahalaan.

7Kung may mahirap sa bayan ninyo, sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos, huwag kayong maging maramot sa kanya.

8Kundi maging mapagbigay kayo at pautangin ninyo siya ng kanyang mga pangangailangan.

9Huwag kayong mag-iisip ng masama, na dahil sa malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagkakansela ng mga utang, hindi na lang kayo magpapautang sa mga kababayan ninyong mahihirap. Kapag dumaing sa Panginoon ang mga mahihirap na ito dahil sa inyong ginawa, may pananagutan kayo.

10Magbigay kayo sa kanila nang bukal sa loob. Kapag ginawa ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Diyos sa lahat ng inyong ginagawa.

11Hindi maiiwasan na may mahihirap sa inyong bayan, kaya inuutusan ko kayong maging lubos na mapagbigay sa kanila.

Ang Pagpapalaya sa mga Alipin(Exo. 21:1‑11)

12Kung ipinagbili ng kapwa mo Hebreo, lalaki man o babae, ang sarili niya sa iyo bilang alipin, at naglingkod siya sa iyo sa loob ng anim na taon, kailangang palayain mo siya sa ikapitong taon.

13At kapag palalayain mo na siya, huwag mo siyang paaalisin nang walang dala.

14Bigyan mo siya ng saganang hayop, trigo at alak ayon sa pagpapala ng Panginoon sa iyo.

15Alalahanin ninyo na mga alipin din kayo noon sa Ehipto at pinalaya rin kayo ng Panginoon na inyong Diyos. Iyan ang dahilan kaya ibinibigay ko ang mga utos na ito sa inyo ngayon.

16Ngunit kung sabihin ng alipin mo sa iyo, “Hindi po ako aalis sa inyo dahil mahal ko kayo at ang pamilya ninyo, at mabuti ang kalagayan ko dito sa inyo,”

17dalhin mo siya sa pintuan ng bahay mo, butasan ang tainga niya at magiging alipin mo siya sa buong buhay niya. Ganito rin ang gawin mo sa iyong aliping babae.

18Huwag sasamâ ang loob mo kung palalayain mo ang alipin mo dahil ang halaga ng paglilingkod niya sa iyo sa loob ng anim na taon ay doble pa sa suweldo na tinatanggap ng isang trabahador. Kung gagawin mo ito, pagpapalain ng Panginoon na inyong Diyos ang lahat ng ginagawa mo.

Ang Pagbubukod sa mga Panganay na Alagang Hayop

19Ibukod ninyo para sa Panginoon na inyong Diyos ang lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga hayop. Huwag ninyong pag-aararuhin ang mga panganay ng inyong mga baka o pagugupitan ang mga panganay ng inyong mga tupa.

20Sa halip, kainin ninyo ito at ng inyong pamilya sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos bawat taon, sa lugar na pipiliin niya.

21Subalit kung may kapintasan ang hayop na ito, halimbawaʼy pilay o bulag o anumang malalang kapansanan, hindi ninyo ito dapat ihandog sa Panginoon na inyong Diyos.

22Sa halip, kainin ninyo ito sa inyong mga bayan. Ang lahat ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi, katulad ng pagkain ninyo ng usa at ng gasela.

23Ngunit huwag ninyong kainin ang dugo, kundi ibuhos ninyo ito sa lupa gaya ng tubig.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help