1Ito ang basbas na sinabi ni Moises na lingkod ng Diyos sa mga Israelita bago siya namatay.
2Sinabi niya,
“Dumating ang Panginoon
galing sa Sinai;
nagpakita siya galing
sa Bundok ng Seir
katulad ng pagsikat ng araw.
Sumikat siya sa mga tao galing
sa Bundok ng Paran.
Dumating siyang kasama
ang libo-libong mga anghel,
at ang kanyang kanang kamay
ay may dala-dalang
naglalagablab na apoy.
3Tunay na minamahal ng Panginoon
ang kanyang mamamayan.
Pinoprotektahan niya
ang mga taong kanyang pinili.
Kaya siyaʼy sinusunod nila
at tinutupad ang kanyang utos.
4Ibinigay ni Moises
sa ating mga lahi ni Jacob
ang kautusan bilang mana.
5Naging hari ang Panginoon
ng Israel
nang magtipon ang kanilang mga pinuno
at ang kanilang mga angkan.”
6Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Ruben,
“Sanaʼy hindi mawala
ang mga lahi ni Ruben
kahit kakaunti lang sila.”
7Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Juda,
“O Panginoon, pakinggan po ninyo
ang paghingi ng tulong ng lahi ni Juda.
Muli po ninyo silang isama
sa ibang mga lahi ng Israel.
Ipagtanggol at tulungan ninyo sila
laban sa kanilang mga kaaway.”
8Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Levi,
“O Panginoon,
ibinigay po ninyo ang Tumim at Urim
sa mga tapat ninyong lingkod
na lahi ni Levi.
Sinubukan ninyo sila sa Masa
at sinaway sa tabi ng tubig ng Meriba.
9Nagpakita sila ng malaking katapatan
sa inyo
kaysa sa kanilang mga magulang,
mga kapatid at mga anak.
Sinunod po nila ang inyong mga utos,
at iningatan ang inyong kasunduan.
10Tuturuan nila ang mga Israelita
ng inyong mga utos
at tuntunin kay Jacob,
at maghahandog sila ng insenso
at mga handog na sinusunog
sa inyong altar.
11O Panginoon,
pagpalain nʼyo po sila,
at nawaʼy masiyahan kayo
sa lahat ng kanilang ginagawa.
Ibagsak po ninyo ang kanilang mga kaaway
para hindi na sila makabangon pa.”
12Sinabi ni Moises
tungkol sa lahi ni Benjamin,
“Ang minamahal ng Panginoon
ay naninirahan ng ligtas
sa piling niya.
Inilalayo niya sila sa kapahamakan
at nananahan sa kanilang kalagitnaan.”
13Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Jose,
“Sanaʼy pagpalain ng Panginoon
ang kanilang lupain
at padalhan sila palagi ng ulan
at ng tubig mula sa ilalim ng lupa.
14Sa tulong ng araw,
mamunga sana nang maayos
ang kanilang mga pananim
at mamunga sa tamang panahon nito.
15Sana ang kanilang
sinaunang kabundukan
at kaburulan ay magkaroon ng mabuti
at masaganang mga bunga.
16Umani sana nang sagana
ang kanilang lupa
dahil sa kabutihan ng Diyos
na nagpahayag sa kanila
sa naglalagablab
na mababang punongkahoy.
Manatili sana ang mga pagpapalang ito
sa lahi ni Jose
dahil nakakahigit siya
sa kanyang mga kapatid.
17Ang kanyang lakas ay katulad ng lakas
ng batang bakang lalaki.
Ang kanyang kapangyarihan
ay katulad ng kapangyarihan
ng sungay ng mailap na baka.
Sa pamamagitan nito,
ibabagsak niya ang mga bansa
kahit na ang mga nasa malayo.
Ganito ang aking pagpapala
sa maraming mamamayan
ng Efraim at Manases.”
18Sinabi ni Moises tungkol sa lahi nila Zebulun at Isacar,
“Matutuwa ang lahi nina Zebulun at Isacar
dahil uunlad sila sa kanilang lugar.
19Iimbitahan nila ang mga tao
na pumunta sa kanilang bundok
para maghandog
ng tamang handog sa Diyos.
Magdiriwang sila dahil sa maraming pagpapala
na nakuha nila sa dagat
at sa baybayin nito.”
20Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Gad,
“Purihin ang Diyos na nagpapalawak
ng teritoryo ng lahi ni Gad!
Nabubuhay sila sa lupaing ito katulad ng leon
na handang sumunggab ng kamay
o ng ulo ng kanyang kaaway.
21Pinili niya ang pinakamagandang lupain
na nababagay sa mga pinuno.
Kapag nagtitipon ang mga tagapamahala
ng mga mamamayan ng Israel,
sinusunod nila ang mga ipinatutupad
ng Panginoon
at ang kanyang mga tuntunin
para sa Israel.”
22Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Dan,
“Ang lahi ni Dan ay katulad
ng mga batang leon na tumatalon-talon
mula sa Bashan.”
23Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Neftali,
“Ang lahi ni Neftali ay sagana
sa pagpapala ng Panginoon.
Maangkin sana nila ang lupain
sa kanluran at sa timog.”
24Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Asher,
“Pagpalain nawa ng Panginoon
ang lahi ni Asher
nang higit pa sa lahat ng lahi ng Israel.
Nawa ay maging masaya sa kanila
ang kapwa nila mga Israelita
at maging sagana ang kanilang langis.
25At sanaʼy maprotektahan
ng mga tarangkahang
bakal at tanso
ang mga pintuan ng kanilang lungsod,
at sanaʼy manatili ang kanilang kadakilaan
habang silaʼy nabubuhay.
26Walang katulad ang Diyos ng Israel.
Sa kanyang kadakilaan,
sumasakay siya sa ulap
para matulungan kayo.
Sa kanyang kadakilaan dumarating siya
mula sa langit.
27Ang walang hanggang Diyos
ang inyong kanlungan;
palalakasin niya kayo
sa pamamagitan ng walang hanggan
niyang kapangyarihan.
Palalayasin niya
ang inyong mga kaaway
sa inyong harapan,
at iuutos niya sa inyo,
‘Lipulin ninyo sila.’
28Kaya mamumuhay ang Israel
na malayo sa kapahamakan,
sapagkat payapa ang lahi ni Jacob
sa lupaing sagana sa trigo
at bagong alak,
at kung saan ang hamog na mula sa langit
ay nagbibigay ng tubig sa lupa.
29Pinagpala kayo,
mga mamamayan ng Israel!
Wala kayong katulad,
isang bansang iniligtas ng Panginoon.
Ang Panginoon ang pananggalang
at tulong ninyo,
at siya ang makikipaglaban
para sa inyo.
Gagapang ang inyong mga kaaway
papunta sa inyo,
at tatapakan ninyo sila sa likod.”
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.