Isaias 18 - Tagalog Contemporary Bible(ASD)

Ang Pahayag Laban sa Etiopia

1Nakakaawa ang mga lugar

malapit sa mga ilog ng Etiopia,

na may mga pagaspas

ng pakpak ng mga kulisap na naririnig.

2Mula sa lugar na ito

ay may mga sugong nakasakay

sa mga bangkang yari sa tambo

at dumadaan sa Ilog Nilo.

Humayo kayo,

mabibilis na sugo,

Dalhin ninyo ang mensahe

sa mga mamamayang matatangkad

at makikinis ang balat,

sa mga taong kinatatakutan

kahit saan,

dahil sa kanilang pananakop at paninira,

at nakatira sa lupaing

dinadaanan ng mga ilog.

3Kayong lahat ng naninirahan sa mundo,

at naninirahan sa lupa,

abangan ninyo ang pagtaas ng bandila

sa ibabaw ng bundok,

at pakinggan ninyo

ang tunog ng trumpeta.

4Sapagkat ito ang sinabi

sa akin ng Panginoon,

“Mula sa aking luklukan,

panatag akong nagmamasid

na parang nagniningning na araw

sa tanghaling tapat,

at parang namumuong ambon

sa maalinsangang gabi

sa panahon ng anihan.”

5Bago pa dumating

ang panahon ng pag-ani,

sa panahon pa lang

ng pamumulaklak ng mga ubas

at unti-unting paghinog ng mga bunga nito,

puputulin na ng Diyos

ang mga sanga nito

gamit ang karit.

6Ang mga bangkay nila

ay ipapaubaya sa ibong mandaragit

at mababangis na hayop.

Magiging pagkain sila ng mga ibon

sa panahon ng tag-araw

at ng mababangis na hayop

sa panahon ng taglamig.

7Ngunit darating ang araw na tatanggap

ang Panginoon ng mga Hukbo

ng mga handog

mula sa lupaing dinadaanan ng mga ilog.

Ang mga mamamayan nitoʼy

matatangkad, makikinis ang balat,

makapangyarihan,

at kinatatakutan kahit saan.

Dadalhin nila ang kanilang mga regalo

sa Bundok ng Zion,

kung saan sinasamba

ang Panginoon ng mga Hukbo.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help