1Ito ang mga utos, katuruan at tuntunin na iniutos ng Panginoon na inyong Diyos sa akin na ituro sa inyo. Sundin ninyo ito sa lupaing inyong sasakupin doon sa kabila ng Jordan,
2upang kayo pati ang mga anak at mga apo ninyo ay magkaroon ng takot sa Panginoon na inyong Diyos habang nabubuhay kayo. Kung susundin ninyo ang lahat ng utos niya at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, mabubuhay kayo nang matagal.
3Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel, at sundin ninyo ang kanyang mga utos para maging mabuti ang inyong kalagayan at upang lalo pa kayong dumami sa lupaing masagana sa gatas at pulot ayon sa ipinangako ng Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno.
4Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel: Ang Panginoon na ating Diyos ay iisang Panginoon lang.
5Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buo ninyong lakas.
6Huwag ninyong kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon.
7Ituro ninyo ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag kayoʼy nasa inyong mga bahay at kapag naglalakad, kapag nakahiga, at kapag babangon kayo.
8Itali ninyo ito sa inyong mga braso o ilagay sa inyong mga noo bilang paalala sa inyo.
9Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong bahay at sa bukana ng pintuan ng inyong mga lungsod.
10Dadalhin kayo ng Panginoon na inyong Diyos doon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. Malaki ang lupaing ito at may maunlad na mga lungsod na hindi kayo ang nagtayo.
11May mga bahay din ito na puno ng mabubuting bagay na hindi kayo ang naghirap, may mga balon na hindi kayo ang naghukay, at mga ubasan at mga puno ng olibo na hindi kayo ang nagtanim. At kung makakain na kayo at mabusog,
12tiyakin ninyong hindi ninyo makakalimutan ang Panginoon na naglabas sa inyo sa Ehipto kung saan kayo inalipin.
13Magkaroon kayo ng takot sa Panginoon na inyong Diyos; siya lang ang inyong paglingkuran at mangako kayo sa pangalan lang niya.
14Huwag kayong susunod sa ibang mga diyos, ang mga diyos ng mga mamamayan sa inyong paligid;
15dahil ang Panginoon na inyong Diyos na kasama ninyo ay mapanibughuin. Kung susunod kayo sa ibang diyos, ipadarama ng Panginoon ang kanyang galit sa inyo at lilipulin niya kayo sa mundo.
16Huwag ninyong susubukin ang Panginoon na inyong Diyos kagaya ng ginawa ninyo sa Masa.
17Sundin ninyo ang kanyang mga utos, mga katuruan at mga tuntunin na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos.
18Gawin ninyo ang tama at mabuti sa paningin ng Panginoon para maging mabuti ang inyong kalagayan at maangkin ninyo ang magandang lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno.
19Itataboy ng Panginoon sa inyong harapan ang lahat ng inyong mga kaaway ayon sa kanyang sinabi.
20Sa darating na panahon, kung tanungin kayo ng inyong mga anak, “Ano po ba ang ibig sabihin ng mga katuruan, tuntunin at kautusan na iniutos ng Panginoon na ating Diyos?”
21Sabihin ninyo sa kanila, “Mga alipin kami noon ng hari ng Ehipto, ngunit inilabas kami roon ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
22Nakita namin ang mga dakilang himala at mga kamangha-manghang bagay na ginawa ng Panginoon sa pagpaparusa sa mga mamamayan ng Ehipto, kasama ng Faraon at ng buong sambahayan niya.
23At inilabas niya kami sa Ehipto para dalhin sa lupain na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno.
24Inutusan kami ng Panginoon na sundin namin ang lahat ng mga tuntuning ito at magkaroon ng takot sa kanya na ating Diyos, para lagi kaming maging maunlad at mabuhay nang matagal gaya ng nangyayari ngayon.
25At kung susundin lang nating mabuti ang lahat ng mga utos na ito ng Panginoon na ating Diyos, gaya ng iniutos sa atin, magiging matuwid tayo sa kanyang paningin.”
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.