ANG AWIT NG MGA AWIT 8 - Tagalog Form-Based Bible (2001)(ABTAG01)

1O ikaw sana'y naging tulad sa aking kapatid,

na pinasuso sa dibdib ng aking ina!

Kapag nakasalubong kita sa labas, hahagkan kita;

at walang hahamak sa akin.

2Aking aakayin ka at dadalhin kita

sa bahay ng aking ina,

at sa silid niya na naglihi sa akin.

Aking paiinumin ka ng hinaluang alak,

ng katas ng aking granada.

3Ang kanyang kaliwang kamay sana ay nasa ilalim ng aking ulo,

at ang kanyang kanang kamay ay nakayakap sa akin!

4Pinagbibilinan ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem,

na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal,

hanggang sa kanyang maibigan.

Mga Babae

5Sino itong umaahon mula sa ilang,

na nakahilig sa kanyang minamahal?

Babae

Sa ilalim ng punong mansanas ay ginising kita.

Doon ay naghirap sa panganganak ang iyong ina,

siya na nagsilang sa iyo ay naghirap doon sa panganganak.

6Ilagay mo akong pinakatatak sa iyong puso,

pinakatatak sa iyong bisig;

sapagkat ang pag-ibig ay kasinlakas tulad ng kamatayan,

ang panibugho ay kasimbagsik na tulad ng libingan.

Ang mga liyab niyon ay parang mga liyab ng apoy,

isang apoy na lumalagablab.

7Hindi kayang patayin ng maraming tubig ang pag-ibig,

ni malulunod man ito ng mga baha.

Kung ihandog ng isang lalaki dahil sa pag-ibig

ang lahat ng kayamanan sa kanyang bahay,

iyon ay kukutyaing lubusan.

Mga Kapatid na Lalaki

8Kami'y may isang munting kapatid na babae,

at siya'y walang mga suso.

Ano ang aming gagawin sa aming kapatid na babae,

sa araw na siya'y ligawan?

9Kung siya'y isang pader,

ipagtatayo namin siya ng muog na pilak,

ngunit kung siya'y isang pintuan,

tatakpan namin siya ng mga tablang sedro.

Babae

10Ako'y isang pader,

at ang aking mga suso ay parang mga tore,

ako nga'y naging sa kanyang mga mata

ay tulad ng nagdadala ng kapayapaan.

Mangingibig

11Si Solomon ay may ubasan sa Baal-hamon;

kanyang pinaupahan ang ubasan sa mga tagapamahala;

bawat isa'y dapat magdala ng isang libong pirasong pilak para sa bunga.

12Ang aking ubasan, na sadyang akin, ay para sa aking sarili,

ikaw, O Solomon, ay magkaroon nawa ng libo,

at ang nag-iingat ng bunga niyon ay dalawandaan.

13Ikaw na tumatahan sa mga halamanan,

ang mga kasama ko ay nakikinig sa iyong tinig.

Iparinig mo sa akin.

Babae

14Ikaw ay magmadali, sinta ko,

at ikaw ay maging parang usa

o batang usa

sa mga bundok ng mga pabango.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help