MGA AWIT 28 - Tagalog Form-Based Bible (2001)(ABTAG01)

Awit ni David.

1Sa iyo, O Panginoon, ako'y nananawagan,

aking malaking bato, sa aki'y huwag magbingi-bingihan,

baka kung ikaw sa akin ay tumahimik lamang,

ako'y maging gaya nila na bumababa sa Hukay.

2Pakinggan mo ang tinig ng aking karaingan,

habang ako'y dumaraing ng tulong sa iyo,

habang aking itinataas ang aking mga kamay

sa dako ng kabanal-banalang santuwaryo.

3Huwag mo akong agawing kasama ng masasama,

na kasama ng mga taong kasamaan ang ginagawa,

na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapwa,

gayong ang nasa kanilang mga puso ay masamang pakana.

4AyonApoc. 22:12 sa kanilang gawa, sila'y iyong pagbayarin,

at ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain.

Gantihan mo sila ng ayon sa gawa ng kanilang mga kamay;

ang karampatang ganti sa kanila'y ibigay.

5Sapagkat ang mga gawa ng Panginoon, ay hindi nila pinapahalagahan,

ni ang mga gawa ng kanyang mga kamay,

kanyang ibabagsak sila at hindi na sila itatayo kailanman.

6Ang Panginoon ay purihin!

Sapagkat narinig niya ang tinig ng aking mga daing.

7Ang Panginoon ang aking lakas at aking kalasag;

sa kanya ang aking puso ay nagtitiwala,

kaya't ako'y natutulungan, at ang aking puso ay nagagalak,

at sa pamamagitan ng aking awit ako sa kanya'y nagpapasalamat.

8Ang Panginoon ang lakas ng kanyang bayan,

siya ang nagliligtas na kanlungan ng kanyang pinahiran.

9Iligtas mo ang iyong bayan, at ang iyong pamana ay basbasan,

maging pastol ka nila, at buhatin mo sila magpakailanman.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help