MGA AWIT 19 - Tagalog Form-Based Bible (2001)(ABTAG01)

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

1Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,

at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.

2Sa araw-araw ay nagsasalita,

at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.

3Walang pananalita o mga salita man;

ang kanilang tinig ay hindi narinig.

4NgunitRo. 10:18 lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,

at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.

Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,

5na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,

at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.

6Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,

at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,

at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.

Ang Kautusan ng Diyos

7Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,

na nagpapanauli ng kaluluwa;

ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,

na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.

8Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,

na nagpapagalak sa puso;

ang utos ng Panginoon ay dalisay,

na nagpapaliwanag ng mga mata.

9Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,

na nananatili magpakailanman:

ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo

at lubos na makatuwiran.

10Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,

lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;

higit ding matamis kaysa pulot

at sa pulot-pukyutang tumutulo.

11Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;

sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.

12Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?

Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.

13Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.

Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!

Kung gayo'y magiging matuwid ako,

at magiging walang sala sa malaking paglabag.

14Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso

ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,

O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help