ECLESIASTES 6 - Tagalog Form-Based Bible (2001)(ABTAG01)

Tungkol sa mga Pagnanasang Di-Nakamit

1May kasamaan akong nakita sa ilalim ng araw, at ito'y mabigat sa mga tao:

2isang tao na binibigyan ng Diyos ng kayamanan, mga ari-arian, at karangalan, na anupa't walang kulang sa lahat ng kanyang ninanasa. Gayunma'y hindi siya binibigyan ng Diyos ng kapangyarihan na tamasahin ang mga iyon, kundi dayuhan ang nagtatamasa sa mga iyon; ito'y walang kabuluhan at mabigat na kapighatian.

3Kung ang isang tao ay magkaanak ng isandaan, at mabuhay ng maraming taon, at ang mga araw ng kanyang mga taon ay dumami, ngunit hindi niya tinatamasa ang mabubuting bagay sa buhay, at hindi rin siya maililibing, aking masasabi na ang pagkapanganak na wala sa panahon ay mas mabuti pa kaysa kanya.

4Sapagkat iyon ay dumarating sa walang kabuluhan at papunta sa kadiliman, at ang pangalan niyon ay natatakpan ng kadiliman.

5Bukod dito, hindi nito nakita ang araw o nakilala man; gayunma'y nakatagpo ito ng kapahingahan na di gaya niya.

6Kahit na siya'y mabuhay ng isang libong taon na dalawang ulit na sinabi, ngunit hindi nagtamasa ng mabuti—hindi ba tutungo ang lahat sa iisang dako?

7Lahat ng pagpapagod ng tao ay para sa kanyang bibig, gayunma'y hindi nasisiyahan ang kanyang panlasa.

8Sapagkat anong kalamangan mayroon ang pantas sa hangal? At anong mayroon ang dukha na marunong kumilos sa harapan ng mga buháy?

9Mas mabuti pa ang nakikita ng mga mata kaysa pagala-galang pagnanasa, ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.

10Anumang nangyari ay matagal nang alam, at nalalaman na kung ano ang tao, na hindi niya kayang makipagtalo sa higit na malakas kaysa kanya.

11Mas maraming salita, mas maraming walang kabuluhan, kaya't paanong nakakahigit ang isa?

12Sapagkat sinong nakakaalam kung ano ang mabuti sa tao habang nabubuhay siya ng ilang araw sa kanyang walang kabuluhang buhay, na kanyang ginugol na gaya ng anino? Sapagkat sinong makapagsasabi sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya sa ilalim ng araw?

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help