MGA AWIT 30 - Tagalog Form-Based Bible (2001)(ABTAG01)

Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.

1Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,

at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.

2O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,

at ako ay pinagaling mo.

3O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,

iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.

4Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,

at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.

5Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,

at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.

Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,

ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.

6Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,

“Hindi ako matitinag kailanman.”

7Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,

ginawa mong matibay ang aking bundok;

ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.

8Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;

at sa Panginoon ay nanawagan ako:

9“Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,

kung ako'y bumaba sa Hukay?

Pupurihin ka ba ng alabok?

Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?

10O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!

Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”

11Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;

hinubad mo ang aking damit-sako,

at binigkisan mo ako ng kagalakan,

12upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.

O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help