Ecclesiastico 18 - Tagalog Meaning-Based Bible (2005)(MBB05)

Ang Kadakilaan ng Diyos

1Ang Diyos na nabubuhay magpakailanman

ang siyang lumikha ng sanlibutan.

2-3Ang Panginoon lamang ang makatarungan.

Walang ibang Diyos liban sa kanya.

4Walang makakapaghayag ng mga ginawa ng Panginoon,

at wala ring makakaunawa ng kanyang mga panukala.

5Sinong makakasukat ng kanyang karangalan?

Sinong makakapagsalaysay ng kanyang habag?

6Walang maidadagdag o mababawas sa mga ito ang tao.

Talagang di kayang maabot ng kanyang isipan ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon.

7Kapag nabaybay niya ang lahat, siya'y nagsisimula pa lamang,

at pagtigil niya'y lito ang kanyang isip.

Ang Kaliitan ng Tao

8Ano ba ang tao, at ano ang kanyang katuturan?

Ano ang halaga ng kabutihan o kasamaang nagagawa niya?

9Tingnan mo na lamang ang haba ng kanyang buhay: Mahaba na ang sandaang taon.

10Parang isang patak ng tubig mula sa dagat, o buhangin sa dalampasigan—

ganyan ang buhay ng tao, kung ipaparis sa panahong walang hanggan.

11Kaya naman pinagpapaumanhinan ng Diyos ang mga tao,

at ibinubuhos sa kanila ang kanyang habag.

12Nakikita at nauunawaan niya ang kahabag-habag nilang wakas;

dahil dito'y lalo niyang dinadagdagan ang kanyang pagpapatawad.

13Ang pagkahabag ng tao ay para sa kanyang kapwa lamang,

ngunit kinaaawaan ng Panginoon ang lahat ng may buhay.

Inaakay niya sila sa tumpak na landas, itinutuwid ang kamalian, sinusupil kung kailangan,

tinuturuan, at ibinabalik kapag naliligaw, gaya ng ginagawa ng pastol sa kanyang kawan.

14Kinahahabagan niya ang tumatanggap ng pangaral

at nagsisikap makatupad ng kanyang mga utos.

Paghahanda sa Hinaharap

15Anak, gumawa ka ng mabuti na walang halong panunumbat;

huwag mong bayaang ang kaloob mo'y mabahiran ng masakit na pangungusap.

16Hindi ba ang hamog ay nakakapagpalamig sa init ng araw?

Kung gayo'y higit pa sa kaloob ang magandang salita.

17Ang magandang pangungusap ay higit na mahalaga kaysa isang regalong mamahalin,

at ang dalawang ito ay kapwa ipinagkakaloob ng may tunay na magandang kalooban.

18Ang hangal ay mapanumbat at masungit,

ang bigay na mapait sa kalooban ng nagbigay ay mahapdi sa mata ng binigyan.

19Mag-aral ka muna bago ka magsalita,

at pangalagaan ang sarili bago pa dumapo ang sakit.

20Suriin mo ang sarili bago sumapit ang paglilitis,

at pagdating ng pagsisiyasat, magtatamo ka ng patawad.

21Magpakumbabá bago dapuan ng sakit

at magbalik-loob agad bago malulong sa kasalanan.

22Huwag mong ipagpaliban ang pagtupad ng panata;

huwag mong hintaying mabingit ka pa sa kamatayan bago tuparin iyon.

23Bago ka gumawa ng panata, ihanda mo muna ang sarili;

huwag mong tularan ang tumutukso sa Panginoon.

24Isipin mo: Gusto mo bang magalit siya sa iyo sa oras ng kamatayan?

Kapag hahatulan ka na niya, nais mo bang talikuran ka niya?

25Alalahanin mo ang gutom kapag ikaw ay nasa kasaganaan,

isipin mo ang karukhaan at pangangailangan sa panahong ikaw ay mayaman.

26Gaano karaming pagbabago ang nagaganap sa maghapon?

Ganyan kabilis magbago ang lahat ng bagay sa harap ng Panginoon.

27Ang marunong ay maingat sa lahat ng bagay,

at lalong nangingilag madungisan kapag lumulubha ang panganib na magkasala.

28Ang matalinong tao'y madaling makakilala ng karunungan,

at iginagalang niya ang sinumang nag-aangkin nito.

29Ang nakakaunawa ng mga kasabihan ay maibibilang na rin sa marurunong,

at ang mga pangungusap niya'y magiging batis ng karunungan.Ang Pagpipigil sa Sarili

30Huwag kang padadala sa masasama mong hilig,

bagkus pigilan mo ang iyong mga pagnanasa.

31Kapag sinunod mo ang iyong masasamang hilig,

pagtatawanan ka ng iyong mga kaaway.

32Huwag kang mawili sa panandaliang aliw

na ang ibinubunga'y ibayong paghihirap.

33Kung wala kang sariling pera, huwag mong asamin ang magarbong pag-aanyaya.

Kapag ang handa mo ay uutangin pa, sa malao't madali'y mamumulubi ka.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help