Hosea 14 - Tagalog Meaning-Based Bible (2005)(MBB05)

Ang Pakiusap ni Hosea sa Israel

1Manumbalik ka Israel kay Yahweh na iyong Diyos.

Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan.

2Dalhin ninyo ang inyong kahilingan,

lumapit kayo kay Yahweh;

sabihin ninyo sa kanya,

“Patawarin po ninyo kami.

Kami'y iyong kahabagan, kami'y iyong tanggapin.

Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri.

3Hindi kami kayang iligtas ng hukbo ng Asiria,

hindi kami sasakay sa mga kabayo nila.

Hindi na namin tatawaging diyos

ang mga ginawa ng aming kamay.

Sa iyo lamang nakakasumpong ng awa ang mga ulila.”

4Sabi ni Yahweh,

“Pagagalingin ko na sila sa kanilang kataksilan,

mamahalin ko na sila nang walang katapusan,

sapagkat napawi na ang galit ko sa kanila.

5Ako'y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel.

Mamumulaklak siyang gaya ng liryo,

at mag-uugat din siyang tulad ng sedar.

6Kanyang mga sanga ay darami,

gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,

at hahalimuyak gaya ng kagubatan ng Lebanon.

7Magbabalik sila at maninirahan sa ilalim ng aking kanlungan.

Sila'y yayabong na gaya ng isang halamanan,

mamumulaklak na parang puno ng ubas,

at ang bango'y tulad ng alak mula sa Lebanon.

8Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan!

Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.

Ako'y katulad ng sipres na laging luntian,

at mula sa akin ang iyong mga bunga.”

9Unawain ng matalino ang mga bagay na ito,

at dapat mabatid ng mga marunong.

Matuwid ang mga kaparaanan ni Yahweh,

at ang mabubuti'y doon lumalakad,

ngunit nadarapa ang mga masuwayin.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help