1 Mga Taga-Corinto 7 - Tagalog Meaning-Based Bible(MBBTAG12)

Mga Katanungan tungkol sa Pag-aasawa

1Tungkol naman sa inyong sulat, ganito ang masasabi ko: Mabuti sa isang tao na huwag makipagtalik.

2Ngunit dahil sa lumalaganap na pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa.

3Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae.

4Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa.

5Huwag ninyong ipagkait ang inyong sarili sa isa't isa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong huwag munang magsiping sa maikling panahon upang maiukol ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, muli kayong magsiping upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil.

6Ang sinabi ko'y hindi utos kundi pag-unawa sa inyong kalagayan.

7Nais ko sanang ang bawat isa ay makatulad ko. Ngunit ang bawat tao'y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito'y hindi pare-pareho.

8Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at sa mga biyuda: mabuti pa sa kanila ang manatiling katulad ko na walang asawa.

9Ngunit kung hindi sila makapagpigil sa sarili, mag-asawa na lang sila; mas mabuting mag-asawa kaysa hindi makapagpigil sa matinding pagnanasa.

10Sa

22Ang taong alipin nang tawagin ng Panginoon ay malaya na dahil sa Panginoon. Gayundin naman, ang taong malaya nang siya'y tawagin ni Cristo ay naging alipin ni Cristo.

23Nabili na at bayád na kayo; huwag na kayong paalipin sa mga tao.

24Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay nang kayo'y tawagin, manatili kayo roong kasama ng Diyos.

Tungkol sa mga Walang Asawa at mga Biyuda

25Tungkol naman sa mga walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Ngunit magbibigay ako ng aking opinyon bilang isang taong dahil sa habag ng Diyos ay mapagkakatiwalaan.

26Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan.

27Ikaw ba'y isang lalaking may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mo nang hangaring magkaasawa.

28Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. Kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi rin siya nagkakasala. Ngunit ang nag-aasawa ay magdaranas ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang nais kong maiwasan ninyo.

29Mga kapatid, ito ang ibig kong sabihin: malapit na ang wakas ng panahon, kaya't mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa;

30ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang mga bumibili, na parang walang ari-arian,

31at ang mga gumagamit ng mga bagay ng sanlibutan, na para bang hindi nangangailangang gamitin ang mga ito. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito'y hindi na magtatagal.

32Nais kong mailayo kayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon—kung paano niya mabibigyan ng kaluguran ang Panginoon.

33Ngunit ang pinagkakaabalahan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa.

34Dahil dito'y hati ang kanyang malasakit. Gayundin naman, ang pinagkakaabalahan ng isang babaing walang asawa o ng isang dalaga ay ang mga bagay ukol sa Panginoon, sapagkat nais niyang maitalaga ang kanyang katawan at espiritu sa Panginoon. Subalit ang pinagkakaabalahan ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa.

35Sinasabi ko ito upang matulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang nais ko'y maakay kayo sa maayos na pamumuhay at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.

36Kung inaakala ng isang lalaki na nagkakaroon siya ng masidhing pagnanasa sa kanyang katipan, at dahil dito'y kailangang pakasal sila, pakasal na sila. Ito ay hindi kasalanan.

37Ngunit kung ipinasya niyang huwag pakasalan ang kanyang kasintahan at hindi naman siya napipilitan lamang at siya'y may lubusang pagpipigil sa sarili, mabuti ang ganitong kapasyahan.

38Kaya nga, mabuti ang magpasyang pakasalan ang kanyang kasintahan, ngunit mas mabuti ang hindi mag-asawa.

39Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Kapag namatay ang lalaki, ang babae ay malaya nang mag-asawa sa sinumang maibigan niya, ngunit dapat ay sa isa ring nananampalataya sa Panginoon.

40Subalit sa aking palagay, higit siyang magiging maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan bilang biyuda. Iyan ang palagay ko, at sa palagay ko nama'y nasa akin din ang Espiritu ng Diyos.

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help