18 Si
19 Ang kanyang palasyo ay nasa Lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng kaharian ng Persia.
20 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, naghanda siya ng isang piging para sa isang natatanging grupong tinatawag na “Mga Kaibigan”. Inimbitahan rin niya ang kanyang mga pinuno, mga lingkod, mga pinunong kawal ng Persia at Media, pati mga maharlikang tao at mga gobernador ng mga lalawigan.
21 Ipinagparangalan niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian at ang maringal niyang pamumuhay. Ang handaan ay tumagal nang sandaan at walumpung araw.
22 Pagkaraan nito, pitong araw naman siyang nagdaos ng handaan para sa lahat ng mga naninirahan sa Susa, dayuhan man o katutubo. Ginanap ito sa bulwagang nasa hardin ng palasyo.
23 Puting-puti ang mga kurtina at maraming palawit na kulay asul. Ang mga tali nito'y nilubid na pinong lino at kulay ube, at nakasabit sa mga argolyang pilak. Marmol ang mga haligi ng palasyo. Gawa naman sa ginto't pilak ang mga upuan. Ang sahig ay nalalatagan ng mga baldosang yari sa puting marmol, malalaking perlas, at mamahaling bato.
24 Ang mga kopitang ginamit na inuman ay gawa sa ginto at pilak. Inilabas din ng hari ang isang kopitang punung-puno ng mamahaling hiyas na aabot ang katumbas na halaga sa tone-toneladang pilak. Napakarami ring ipinamahaging alak na tanging ang hari lamang ang nakakainom.
25 Ipinag-utos ng hari sa mga tagapagsilbi na bigyan ng alak ang mga panauhin ayon sa kagustuhan ng bawat isa.
26 Samantala, nagdaos naman ng isang handaan para sa kababaihan si Reyna Vasti sa palasyo ng Haring Xerxes.
27 Nang ikapitong araw ng pagdiriwang, nalasing ang hari at ipinatawag niya sina Mehuman, Bizta, Harvona, Bigta, Abagta, Zetra at Carcas, ang pitong eunuko na personal na naglilingkod sa kanya.
28 Ipinasundo niya si Reyna Vasti sa mga ito upang humarap sa kanya na suot ang korona upang ipakita sa lahat ng naroon ang kagandahan ng reyna sapagkat ito naman ay tunay na napakaganda.
29 Ngunit tumangging sumama si Reyna Vasti sa mga sinugong eunuko. Napahiya ang hari kaya't labis itong nagalit.
30 Sa mga ganitong pangyayari sumasangguni ang hari sa mga pantas na dalubhasa sa batas at paghatol.
31 Ito'y sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena at Memucan, ang pitong pangunahing pinuno ng Persia at Media. Malapit sila sa hari, at mga kilalang tagapanguna sa kaharian.
32 Itinanong ng hari, “Ano ba ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil sa pagsuway niya sa aking utos na ipinasabi ko sa pamamagitan ng mga sugo?”
33 Sumagot si Memucan, “Nagkasala si Reyna Vasti, hindi lamang sa hari kundi pati sa mga pinuno at sa lahat ng nasasakupan ng Haring Xerxes.
34 Tiyak na malalaman ng lahat ng babae sa kaharian ang pangyayaring ito. Dahil dito, may dahilan na sila para sumuway sa kani-kanilang asawa. Idadahilan nilang si Reyna Vasti mismo ay hindi humarap sa hari nang ipatawag ito.
35 Ngayon pa ay natitiyak kong alam na ito ng mga pangunahing babae ng Persia at Media at sasabihin na sa mga pinuno ng hari. Dahil dito, lalapastanganin na ng mga babae ang mga lalaki.
36 Kaya, kung inyong mamarapatin, mahal na hari, magpalabas kayo ng isang utos na magiging bahagi ng mga batas ng Persia at Media para hindi mabago. Sa bisa ng utos na ito, aalisin kay Vasti ang pagiging reyna at papalitan siya ng mas mabuti kaysa kanya.
37 Kapag ito'y naipahayag na sa inyong malawak na kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang kani-kanilang asawa, mayaman o mahirap man.”
38 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga pinuno ang payo ni Memucan.
39 Pinadalhan niya ng sulat ang mga lalawigang sakop ayon sa kani-kanilang wika upang kilalanin na ang mga lalaki ang siyang pinuno ng kanilang sambahayan at dapat igalang.
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.