Isaias 21 - Tagalog Meaning-Based Bible(MBBTAG12)

Ang Pagbagsak ng Babilonia

1Ito ang pahayag tungkol sa Babilonia:

Parang ipu-ipong humahagibis mula sa disyerto

ang manlulupig ng Negeb mula sa isang nakakapangilabot na lupain.

2Nakita ko ang isang pangitaing puno ng kalupitan,

kataksilan, at pagkawasak.

Sugod, Elam!

Sakupin mo, Media.

Wawakasan ko na

ang ginawang pagpapahirap ng Babilonia.

3Dahil dito, nakadama ako ng matinding takot,

namilipit ako sa sakit

tulad ng isang babaing nanganganak;

ako'y nakayuko kaya hindi makarinig,

ako'y nalilito kaya hindi makakita.

4Pinanghihinaan ako ng loob, nangangatal ako sa takot;

ang pananabik ko sa takipsilim

ay naging isang pagkasindak.

5Sa aking pangitain ay handa na ang hapag-kainan;

nakalatag na rin ang mga alpombra upang upuan ng mga panauhin;

sila'y nagkakainan at nag-iinuman.

Ngunit isang utos ang biglang narinig:

“Tumayo kayo, mga pinuno, at langisan ang mga kalasag.”

6At ganito ang sabi sa akin ni Yahweh:

“Lumakad ka na at maglagay ng bantay

at iulat ang kanyang mga nakikita.

7Kung makakita siya ng mga kawal na nakasakay sa mga kabayo,

at mga kawal na nakasakay sa asno at kamelyo,

dapat siyang maging handa

at ang kahandaan niya'y kailangang maging lubos.”

8Sumigaw ang bantay,

“Maghapon po akong nasa tore.

Buong gabi'y nakabantay sa aking bantayan.”

9WalangPah. 14:8; 18:2. anu-ano'y nagdatingan

ang mga kawal na nakakabayo, dala-dalawa,

at nag-ulat ang bantay,

“Bumagsak na! Bumagsak na ang Babilonia!

Nagkalat sa lansangan

ang durug-durog niyang mga diyus-diyosan!”

10Bayan ko, matagal nang ikaw ay tila trigong ginigiik,

may magandang balita ako sa iyo mula kay Yahweh,

ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel.

Ang Pahayag tungkol sa Edom

11Ito ang pahayag tungkol sa Edom:

May tumatawag sa akin mula sa Seir,

“Bantay, gaano pa ba kahaba ang gabi?

Gaano pa ito katagal?”

12Sumagot ang bantay:

“Mag-uumaga na ngunit muling sasapit ang gabi;

bumalik na lang kayo

kung nais ninyong magtanong muli.”

Ang Pahayag tungkol sa Arabia

13Ito ang pahayag tungkol sa Arabia:

Kayong manlalakbay na mga taga-Dedan,

na nakahimpil sa mga disyerto ng Arabia,

14bigyan ninyo ng inumin ang mga nauuhaw.

Kayo naman, mga taga-Tema,

salubungin ninyo at pakanin ang mga bihag.

15Sila'y tumatakas sa mga espadang nakaamba,

sa panang nakahanda,

at sa panganib na dulot ng digmaan.

16Ganito ang sabi sa akin ni Yahweh: “Sa loob ng isang taon, ayon sa pagbilang ng upahang manggagawa, magwawakas ang kadakilaan ng Kedar.

17Ilan lamang sa magigiting niyang kawal na mamamana ang matitira. Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.”

Blog
About Us
Message
Site Map

Who We AreWhat We EelieveWhat We Do

Terms of UsePrivacy Notice

2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.

Home
Gospel
Question
Blog
Help