1Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita. Ginawa niya itong punong ministro.
2Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod.
3Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?”
4Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod at dinadahilan niyang siya'y isang Judio. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman.
5Nang malaman ni Haman na hindi yumuyukod si Mordecai, sumiklab ang kanyang galit.
6Dahil dito, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian.
7Sa ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, iniutos ni Haman na gawin ang palabunutan upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumapat ito sa ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan.
8Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat ng panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po sa inyo kung hahayaan ninyo silang ganito.
9Kung inyong mamarapatin, Kamahalan, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong ito. At mula sa mga masasamsam ay maglalagak ako ng 340,000 kilong pilak sa kabang-yaman ng hari.”
10Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman upang maging opisyal ang kautusan laban sa mga Judio.
11At sinabi sa kanya ng hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila. Bahala ka na rin sa masasamsam mong salapi nila.”
12Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari upang isalin sa iba't ibang wika ang utos laban sa mga Judio upang ipatupad ng mga gobernador ng lahat ng lalawigan at ng mga pinuno ng bayan mula sa India hanggang Etiopia. Ang liham ay ginawa sa pangalan ng Haring Xerxes at ipinadala sa 127 lalawigang nasasakop ng kanyang kaharian.
13Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan.
Who We AreWhat We EelieveWhat We Do
2025 by iamachristian.org,Inc All rights reserved.
